Si Ms. Gina Lopez ang konsensiya ng mga Lopez at ABS-CBN!

SI GINA Lopez siguro ang pinaka-outgoing sa mga miyembro ng Lopez family (o clan ba?) na may-ari ng ABS-CBN (na ewan lang kung hanggang ngayon ay “the Philippines’ largest network” pa rin na siyang ipinagmamalaki nila noon). Hindi siya gaya ng kapatid n’yang si Gabby Lopez na laging parang pormal kung humarap sa madla, o maski na sa press. Ilang beses na rin naming nasaksihan sa isang public event ang magkapatid, kaya alam naming magkaiba sila ng karakter.

Sa mga okasyong nakita at nakaharap namin si Ma’am Gina, kaswal na kaswal siyang humarap at nakipag-usap sa madla kahit na napakaseryoso ng ipinapaliwanag n’ya. Hindi siya nagbabasa ng prepared speech. Lagi siyang extemporaneous, kahit na madalas ay may visual aid siya sa pagpapaliwanag (halimbawa’y Power Point). At kumportableng-kumportable siya sa pagsasalita ng magkahalong Ingles at Filipino, bagama’t mas lamang ang Ingles sa pagsasalita n’ya.

Dahil nga napaka-outgoing n’ya at kaswal, siya ang naging mahilig sa pakikisangkot sa advocacies na nangangailangan ng kaswal na pagtatalumpati sa harap ng madla at pakikisalamuha sa masa. May advocacies siya na may kinalaman sa environment, livelihood at community development. Halimbawa ay involved siya sa paglilinis ng Pasig River at ng mga estero na nakasugpong sa napakahaba at makasaysayang ilog.

Ang latest advocacy n’ya ay ang pagpapatigil sa lahat ng pagmimina sa Palawan dahil anumang kabutihang dulot ng minahan sa isla ay natatabunan ng hatid din nito na napakaraming salot sa kalikasan, kapaligiran, kalusugan at kabuhayan ng mga naninirahan doon. May mga minahan na ru’n at may mga kumpanyang gustong magbukas pa ng ilang minahan sa nasabing lalawigan.

Happily for Ms. Lopez, umaayon sa kanya ang pamunuan ng ABS-CBN kaya’t sinusuportahan ng network ang kampanya n’yang “No to mining in Palawan!” Pumayag pa nga ang Maalala Mo Kaya? na mag-feature ng isang episode na may kinalaman sa naturang advocacy n’ya. Ang esperyal na episode ay bahagi ng isang buwan na selebrasyon ngayong Oktubre ng ika-20 taong anibersaryo ng Maalaala Mo Kaya?

Tungkod ang titulo ng episode na idinirek ng Cannes International Film Fest best director na si Brillante “Dante” Mendoza.

Tampok na artista rito sina Angel Aquino Yul Servo, at Ma. Isabel Lopez, at bagama’t naipalabas na ito sa ABS-CBN 2, binigyan pa rin ito ng special invitational screening ng ABS-CBN kamakailan sa Shangrila Cineplex sa Edsa. At sa seremonya pagkatapos ng pagtatanghal namin nasaksihang muli ang napaka-vibrant na Gina Lopez (na ang dating ginagamit na apelyido ay “Roy” na mister n’ya siguro noon).

Ang husay ni Angel sa pagganap n’ya bilang Boggs, isang Palaweña na di hinayaan ang pagiging bulag n’ya para tigilan n’ya ang pangangampanya na ipasara na ang mga minahan sa lupang tinubuan n’ya na itinuturing n’yang isang paraiso na unti-unti nang ginagawang impyerno ng mga binuksang minahan doon.

Malalambing sigurong tao ang mga taga-Palawan. Ganu’n ang pag-portray sa kanila nina Angel at Yul, at pati na si Ma. Isabel bilang kaibigan at kapwa aktibista ni Boggs. Paano ka nga naman magiging mabalasik kung nakatira ka sa isang paraiso?

Oo nga pala, hindi naman bulag si Boggs mula sa pagkabata. Isa na siyang ina at isang aktibista na hindi namalayang nagkakakatarata na pala siya. Wala namang kinalaman ang minahan sa pagkabulag n’ya. At kaya nga pala “Tungkod” ang naging titulo ng episode ay dahil kinailangang gumamit ng tungkod si Boggs sa paglalakad at pagliligid nung nagpasya siyang ituloy ang pangangampanya para ipasara ang mga minahan sa Palawan. Ang isa sa mga gawain ni Boggs ay parang ang ginagawa rin ng milyonarang si Gina Lopez: nagpapapirma siya sa mga tao na tutol sa pagmimina sa Palawan.

Sampung milyong lagda (signatures) ang gustong makuha ni Gina para maiharap n’ya sa Malakanyang ang petisyon na isara na lahat ng minahan sa Palawan bago pa masira ang kagandahan ng buong isla. Hindi lang mga taga-Palawan ang pinapipirma n’ya kundi kahit sinong Filipino na nagmamalasakit sa bansa. Naniniwala siyang epektibo ang signature campaign n’ya dahil napatunayan na raw n’ya ito sa kaso ng ipinlanong pagtatayo ng isang housing project sa loob ng La Mesa Dam sa Quezon City na pinatayuan n’ya ng Eco Park na napapakinabangan pero di nakakasira ng kapaligiran.

Si Ms. Gina Lopez siguro ang maituturing na konsyensa ng mga Lopez at ng ABS-CBN.

loading...

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply