Singil sa kuryente tataas sa P3 kada kWh– FDC

HINDI pa tapos ang kalbaryo ng bawat tahanan sa napakataas na singil sa kuryente makaraang ibulgar ng Freedom from Debt Coalition (FDC) na maaari pa itong umakyat ng hanggang P3 kada kilowatt hour (kWh) kung maaaprubahan ang mga nakabinbing petisyon sa Energy Regulatory Commission (ERC).

Sinabi ni Ricardo Reyes, tagapangulo ng FDC, “santambak” pa ang petisyon na pinag-aaralan ng ERC buhat sa Manila Electric Company (Meralco) at iba pang power distributors na hinihiling ng sari-saring pagtataas partikular sa “generation charge.”

Nangangamba ang FDC na maaprubahan ang lahat ng naturang petisyon na may katumbas na P3 kada kWh dahil sa pagiging maluwag umano ng ERC. Kapag nangyari umano ito, malaki ang posibilidad na maungusan na ng Pilipinas ang Germany at Denmark, mga bansa na may pinakamataas na singil sa kuryente sa buong mundo.

Nananawagan si Reyes sa administrasyong Aquino na ibasura na ang Epira Law na bigo umano sa layunin na mapababa ang singil sa kuryente at makahikayat ng mga investor sa sektor ng kuryente.

Isa pa umano sa labis na nagpapalaki sa singil sa kuryente ngayon ay ang pagpapatong sa publiko ng utang ng National Power Corporation simula noong 2001. Nakapagtataka umano na sa halip na mabawasan ang dating US$16 bilyong utang, lumobo pa ito sa US$17 bilyon ngayong 2011 kahit na pinagbabayad dito ang publiko sa buwanang bill sa kuryente.

Kasama pa sa misteryo ay ang pagkabenta umano ng 91 porsiyento ng mga planta ng Napocor na naisapribado na habang hindi naman mabatid kung saan napupunta ang perang napagbilhan.

Sa kabila umano ng pagkakaroon ng Epira Law, nakopo lamang ng limang malalaking korporasyon ang mga planta ng power distributor sa bansa na siyang nagsasabwatan umano para mapataas ang singil sa kuryente.

loading...

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply