Sino ang nagkamali?

HINDI malinaw kung sino ang nagbigay ng hudyat upang sibakin sa puwesto ang dalawang opisyal ng military kaugnay sa naganap na engkwentro sa pagitan ng militar at Moro Islamic Liberation Front (MILF) na nauwi sa pagkamatay ng 19 na puwersa ng gobyerno.

Inalis sa puwesto sina Army Col. Alex Macario, pinuno ng Special Operations Task Force Basilan at Col. Antonio Perlade Jr., spokesperson ng Army, dahil sa umano’s pagkukulang sa naging operasyon sa Basilan at sa pagsasabi ng kanyang sariling opinion.

Hindi nagustuhan ni Pangulong Benigno “Noynoy” Aquino ang sinabi ni Parlade sa media na dapat na itigil ang peace talks sa MILF upang matugis ang mga responsable sa pagpatay sa mga sundalo.

Dapat ay naunawaan ni PNoy ang damdamin ni Parlade dahil isa rin itong sundalo at kasalukuyang mainit pa ang kanyang dugo bunga ng pangyayaring sangkot ang kanyang mga kasama.

Para kay Parlade, naisahan talaga ng MILF ang pamahalaan dahil sa patuloy nitong pagkunsinti sa peace talks na wala naman yata talagang plano ang MILF na sundin.

Kahit anong paliwanag ang gawin ng Palasyo kaugnay sa pagsibak sa dalawang opisyal ng military, mananatili sa isipan ng mga ito ang tila pagpanig ng pamahalaan sa mga kalaban ng kapayapaan at kaayusan.

Hindi kataka-taka na marami na namang sundalo, opisyal o hindi, ang nagbabalak na magsagawa ng pag-aaklas o yung tinatawag na coup d’etat laban sa gobyernong Aquino.

Kung hindi nagtagumpay sa coup d’etat noong panahon ni dating Pangulong Aquino, baka sa kanyang anak ay magtagumpay na ang mga sundalo.

Pero nananalangin pa rin tayo na huwag sanang mangyari upang hindi na maapektuhan ang ating politika at ekonomiya.

Bakit kasi hindi ang mas nakakataas kina Macario at Parlade ang ipinasibak ni Aquino?

Dahil mga tao niya at personal choice niya ang mga nakatataas na ito?

Asan nga pala ang kalihim ng National Defense na si Voltaire Gazmin nang maganap ang encounter sa Basilan?

Bakit wala man lang ginawang pahayag o komento si Gazmin kaugnay sa naganap na madugong pagpaslang sa mga sundalo na nagtatanggol sa pamahalaan at sa bayan?

Baka natatakot na mabuking na wala naman siya sa bansa?

Pero hindi naman siya natatakot na tanggalin siya sa puwesto ng pangulo dahil batid niyang malakas siya rito.

Ilang abogado, piskal at hukom ang nakapanayam ng inyong lingkod hinggil sa mga kaguluhang nangyayari sa bansa.

Ayon sa mga ito, hindi dapat inaabot ng ilang oras ang Pangulo sa pagre-react sa mga pangyayaring kailangan ng mabilisang desisyon na walang ibang puwedeng magbigay kung hindi si PNoy mismo.

Katulad na lang ng Quirino Grand Stand Hostage Crisis kung saan pitong dayuhan ang nasawi at maging ang hostage-taker na si Sr. Insp. Rolando Mendoza, dapat ay si PNoy na ang nasa Luneta upang siya ang magbigay ng utos at hindi si Manila Mayor Alfredo Lim dahil international issue na ito at hindi local issue.

Tapos na ang pangyayari nang dumating si PNoy at may mga dayuhang nagbuwis na ng buhay.

Nagkaroon ng imbestigasyon na sa bandang huli ay walang napatunayang nagkasala o walang nahatulan dahil sa puso at isip (kunsensiya na rin siguro) ng mga nagdesisyon, nasa itaas ang pagkukulang.

Para maniwala ang tao na “tuwid na daan” ang nais tahakin ng kasalukuyang pamahalaan, dapat ay matuto ang mga namumuno na tumanggap ng pagkakamali at higit sa lahat ay humingi ng paumanhin sa mga mamamayan na kanilang pinagkasalaan.

Nais ninyong ibahagi ang inyong karanasan sa opisyal at tauhan ng pulisya, pamahalaan o pribadong indibidwal?

Maaari kayong mag-text sa 09215175814 o mag-email sa Santi_lean11@yahoo.com.

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply