Sinungaling sa Senate probe, ikukulong

NAIS ni Senate minority leader Alan Peter Cayetano na makulong ang sinumang saksi o resource person na magsisinungaling sa anumang congressional probe bilang senyales sa paglutas ng malalaking krimen tulad ng graft and corruption.

Ayon kay Cayetano, kailangang palakasin ng pamahalaan ang batas laban sa nagsisinungaling na siyang kahinaan ng congressional hearing dahil hindi naparurusahan ang sinungaling o hindi nagsasabi ng katotohanan.

“Let’s start punishing people who lie under oath. Maybe we can go beyond charging those who lie with contempt but rather charge them with a criminal case,” aniya.

Nahikayat si Cayetano sa ganitong punto matapos baliktarin ni Judge Nagamura Moner ang kanyang testimonya noong 2005 na nagsasabing walang dayaan noong 2004 elections sa halip na ilagay ang kanyang sarili bilang saksi sa imbestigasyon ng Senado.

Nadismaya rin si Cayetano dahil sa nakikita niyang mas mahina ang perjury law sa ating bansa kumpara sa batas sa Estados Unidos at Europa kaya walang kontrol sa pangangalap ng maaasahang testimonya sa mga saksi.

“Dahil sabi nga nila sa Pilipinas, walang nakukulong sa perjury,” aniya.

Naniniwala ang senador na kapag malakas ang implementasyon ng batas laban sa pagsisinungaling na siyang magtutulak sa mga potensiyal na saksi na mas mag-alala na makulong sa halip na mambola matapos makapanumpa.

Iginiit pa niya na kapag pinalakas ang batas laban sa pagsisinungaling ay magagamit ito upang maparusahan ang mga witness ng malalaking krimen tulad ng perjury case ni dating Commision on Elections (Comelec) Commissioner Virgilio Garcillano bilang halimbawa.

Kinasuhan si Garcillano ng perjury noong 2006 ni Sen. Panfilo Lacson, Sen. Teofisto Guingona III at Tesda Chairman Joel Villanueva nang magsinungaling ang dating komisyuner hinggil sa paglabas ng bansa at pagtatago matapos madawit sa “Hello, Garci” scandal.

“Katawa-tawa na ang batas natin sa false testimonies, perjury and obstruction of justice. Kaya si Commissioner Garcillano, siya pa ang nagsasabi na walang dayaan ay hina-harass lang daw siya,” aniya.

Dagdag pa ni Cayetano: “Habang ang perjury ay kalokohan lang sa ating bansa, we will continue to question the credibility of our witnesses. We’ll continue to have witnesses who refuse to go to attend these hearings or would even lie under oath.”

loading...

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply