Sistema ng hustisya at mga grabeng krimen

HINDI na biro-biro ang mga pagpatay at pagmasaker sa mga panahong ito.

Akalain mo, pati pari at opisyal ng unibersidad tinitira na ngayon. Kasama rin sa mga pinapatay ang mga pulis, kagawad, tserman ng barangay, mga pamilya, kabataan at estudyante.

Totoo na may mga nahuhuli sa mga suspek pero hindi lang ito ang punto sa malaganap at nakaririmarim na krimen.

Parang may kabiguan sa sistema ng hustisya.

Bakit? Eh bakit inilalagay ng mga pumapatay sa kanilang sariling kamay ang paglutas sa kanilang mga problema?

At paano ang nakararaming suspek na nakalalaya makaraang gumawa ng krimen, gaya ng mga kasong kinasasangkutan ng mga riding in tandem sa motorsiklo?

SOLVED NA

Karaniwang katwiran ng mga pulis, solved na ang kaso kung may nahuli nang salarin. Kahit fall guy ang nahuli, solved din ang turing ng mga pulis sa krimen.

Kapag may naisampa nang kaso ang mga pulis, may nagre-relax na sa mga ito.

At happy na sila sa narating ng kanilang trabaho.

Pero hindi na yata uubra ang ganito lang na sistema.

KABAYO AT MASAKER

Sa masaker sa San Pablo City, Laguna na kinamatayan ng mag-asawang Bay Rendon, 40; Maricel Rendon, 24; at anak nilang sina JM, 7; Jomari, 5; at Maryjoy, 2  buwang sanggol, nagsimula lang ang lahat sa pinatay na kabayo ng mga ito.

Katarungang pambarangay marahil ang unang binagsakan nito makaraang pagsuspetsahan ng mga biktima ang mga suspek na sina Ernie Tambuong at umano’y ama nito.

Ano ang nangyari sa level ng barangay at hindi na-bigyan ng hustisya ang kasong pagpatay sa kabayo?

Ang mga maliliit na ganitong kaso, kung hindi mapagtutuunan ng pansin ng mga awtoridad ay maaaring sumiklab sa malagim na krimen.

HINDI PINAABOT SA ITAAS

Karaniwang hindi pinaaabot sa itaas ang mga ganitong kaso.

Sapagkat ibinabalik ng mga pulis at korte sa barangay ang mga ito.

‘Yun bang === pambarangay lang ang tingin dito, maliit at istorbo lang sa mga  nasa itaas.

Pero ang totoo, hindi itinataas ng mga mahihirap ang kanilang mga kaso dahil magastos nga naman ang pagkuha ng mga abogado.

Kahit may libre pang Public Attorneys Office, kailangan mo pa ring gumastos  ng malaki sa pamasahe at kung ano-ano pa.

Dahil dito, nangyari na nga ang masaker na hindi dapat sanang mangyari.

RIDING IN TANDEM

Higit sa patayan ng mga mahihirap ang pananalasa ng mga riding in tandem sa kanilang mga biktima.

Hindi na ordinaryong krimen ang mga kinasasangkutan ng mga riding in tandem.

May mga malalalim na dahilan at hindi dapat na tingnan ng mga pulis sa anggulong pagpatay lamang.

FR FAUSTO TENTORIO

Pinakahuling biktima ng riding in tandem si Fr. Fausto Tentorio.

Sino ang nagpapatay sa paring aktibo umano sa pagtatanggol sa mga tribu na  sinisira ang buhay ng mining companies?

Ito rin ang pari na ilang beses nang gustong patayin ng mga utak pulbura  noong martial law.

Ang pagtatanggol sa mga katutubo pa rin ang dahilan ng mga utak-pulbura para  siya’y patahimikin noon.

Anong hustisya ang ilalapat sa kaso ni Fr. Fausto?

Halimbawang may mahuling suspek dito, ituturing na lang ba ulit ng mga awtoridad na solved na ang kaso?

Isa itong kaso na hindi na lang ang mga bata ni PNP chief General Nick  Bartolome ang isangkot para sa solusyon.

Mukha ng bansa ang nakataya rito.

At paano kung sa huli ay masasangkot ang mga awtoridad at mga dayuhang kompanya na gumagahasa sa mga kagubatan at gintuan ng mahal kong Pinas?

ATTY. CESAR NG PUP

Riding in tandem pa rin ang malinaw na kumitil ng buhay ni Atty. Augustus  Cesar, vice president for administration ng Polytechnic University of the Philippines.

Ang sabi, bangayan sa loob mismo ng PUP ang isang dahilan.

May agawan sa puwesto ngayon sa pagka-Pangulo sa unibersidad at si Cesar  umano ang susi sa pagkakatalaga ng bagong Officer in Charge ngayon ng PUP.

Pero hanggang doon lamang ba ang lahat?

Hindi ba hired killer ang mga riding in tandem. At kung hired killer ang mga ito, sino-sino ang mga ito?

Bakit ganun na lang kalakas ang loob ng mga ito at nag-alis pa sila ng mga helmet nang matagal bago dumating ang oras ng kanilang pang-aambus kay Cesar?

JOHNSON PASCUAL, EDITOR

Itong kaso ni Johnson Pascual, paano, General Bartolome?

Kailan makikilala ang mga salarin at ano ba talaga ang mga dahilan kung bakit ito pinaslang?

Nagtatanong tayo, mga Bro, dahil lumalabas sa bunganga ng ilang pulis na higit na bangkero umano ito kaysa mediaman.

‘Yun bang === maaaring konektado ang kanyang kamatayan sa pagiging opisyal nito ng bangko kaysa sa pagiging mediaman.

Ganito lang ba ang kaso?

BLANGKO SA SUSPEK

Ang talagang nakaaalarma rito, mga Bro, ay ang hindi malinaw na dahilan ng pamamaslang sa nabanggit na mga personalidad.

Higit pa, bakit nahihirapan ang mga pulis na tumukoy sa mga utak at triggerman ng mga pamamaslang?

Hindi sapat na katakutan ang mga riding in tandem, sa totoo lang.

May grabeng kapalpakan sa hustiya at ito ang higit na dapat katakutan.

oOo

Anomang reklamo o puna ay maaaring i-text sa 09214303333.

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply