Taiwanese national kinidnap na ninakawan pa

ISANG negosyanteng Taiwanese national ang dinukot at pinagnakawan pa ng hindi pa nakikilalang mga kalalakihan sa loob ng pabrika nito kahapon ng hapon (Oktubre 12) sa Valenzuela City.

Kinilala ang biktima na si Ying Ching Chang, 29-anyos, may-asawa, negosyante at naninirahan sa No. 237 de Guzman St. Barangay Parada ng nasabing lungsod.

Base sa nakalap na impormasyon sa Station Investigation Division (SID) ng Valenzuela City Police, dakong 2:16 ng hapon nang pasukin ng mga salarin ang Luton Trading na matatagpuan sa No. 20 Catmon St. corner Malabo, Brgay. Maysan na pag-aari ng biktima.

Ayon sa ulat ng pulisya, puwersahang pinasok ng mga salarin na hindi natukoy ang bilang, ang pabrika ng biktima at mabilisang kinuha ang pera, alahas, laptop at iba pang mahahalagang gamit ni Chang.

Itinali pa ng mga suspek ang paa at kamay ng tatlong factory worker na empleyado ni Chang at pagkatapos ay tumakas bitbit si Chang gamit ang hindi natukoy na sasakyan.

Nadiskubre lamang umano ang pagnanakaw at pag-kidnap kay Chang nang makalag ng mga factory worker ang kanilang pagkakagapos at agad na tumawag sa himpilan ng pulisya upang i-report ang pangyayari.

Kasalukuyang hawak na ng PACER at ng Valenzuela City Police ang kaso upang matukoy kung saan dinala ng mga salarin si Chang.

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply