TF binuo sa pagpatay kay Ram Revilla

BUMUO agad ang Philippine National Police (PNP) ng task force na tututok sa imbestigasyon sa pagpaslang sa kapatid ni Sen. Bong Revilla na si Ram Revilla at ikinasugat ng kanyang kasintahan na si Jonelle Manahan.

Ang Task Force ay binubuo ng pitong miyembro mula sa investigation and intelligence division ng Parañaque PNP na siyang tututok sa lahat ng anggulo.

Sa ngayon, hawak na ng awtoridad ang kasambahay ni Ram at isang guwardya ng subdivision para pigaing magsabi ng kanilang nalalaman sa naturang krimen.

Ayon kay Parañaque Police chief Supt. Billy Beltran, mahalagang makausap nila si Ramona na kapatid ni Ram dahil doon sila mag-uumpisa sa kanilang pagsisiyasat.

Si Ramona ay tinangay pa ng mga suspek kagabi at pinakawalan sa bahagi ng Star Mall kaninang madaling araw (Oktubre 29).

Sa ulat, pinasok ng dalawang kalalakihang naka-bonnet ang bahay ni Ram pasado alas-11:00 kagabi (Oktubre 28) at saka pinagsasaksak ito at binaril pa. Nadamay naman ang nobya ni Ram nang barilin ito sa mukha pero ligtas na ito ngayon at nagpapagaling na lamang sa pinagdalhang ospital.

Ibinasura na ng pulisya ang anggulong robbery dahil wala namang nawawalang mga gamit sa bahay ng pinaslang.

Personal naman na tinututukan ni PNP chief Dir. Gen. Nicanor Bartolome ang kaso ng pagkakapaslang kay Ram Revilla.

Ayon kay Bartolome, matapos ang pangyayari ang krimen ay agad niyang kinausap si NCRPO chief Dir. Alan Purisima para alamin ang pangyayari.

Ngunit sa ngayon ay nasa proseso pa umano ng paghahanap ng ebidensya at testigo ang mga awtoridad para maresolba ang kaso.

Hiling ni Bartolome na bibigyan muna ng pagkakataon ang pulisya na maimbestigahan ng mabuti ang krimen upang ma-update ang taong bayan. Robert C. Ticzon

 

loading...

About accounting

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply