Task Force Fausto binuo ng PNP

MASUSING iniimbestigahan ng pamunuan ng Philippine National Police (PNP) ang paspaslang kay Italian priest Father Fausto Tentorio sa North Cotabato.

Ipinag-utos na ngayon ni PNP chief Director General Nicanor Bartolome ang pagbuo ng Special Investigation Task Force na syang tututok sa kaso ng pagpaslang kay Tentorio.

Itinalaga ni Bartolome si PNP Region 12 Deputy Director Chief Supt. Lester Camba bilang pinuno ng Task Force Fausto.

Sa ngayon umano ay hindi pa nila matukoy ang motibo sa pagpaslang sa Italyanong pari.

Magugunita na pinagbabaril at napatay ang paring Italyano sa loob mismo ng compound ng simbahan sa Arakan, North Cotabato.

Dead on arrival sa Antipas Hospital ang parish priest ng Our Lady Of Perpetual Help Parish sa Arakan Valley at isang missionary mula sa Rome sa ilalim ng Pontifical Institute for Foreign Missions.

Sa imbestigasyon, papasakay na sana ng kanyang pick up si Tentorio nang umatake ang isang suspek na nakasuot ng helmet at armado ng baril na may silencer.

Walong tama ng bala sa iba’t ibang bahagi ng katawan ang tinamo ng pari.

Lumakad lamang ang suspek papalayo at sumakay ng motorsiklo kasama ng isang naghihintay na kasabwat nito.

Si Tentorio ay 24 taon nang pari sa Arakan, North Cotabato at tumutulong sa mga mahihirap na mamamayan doon.

Kilala si Tentorio sa tawag na Father Pops at isa rin itong anti-mining advocate.

Si Tentorio ay ikatlo nang pari mula sa kanyang kongregasyon na napatay sa Pilipinas. Una na rito sina father Tullio Favali at Father Salvatore Carzedda. Johnny F. Arasga

loading...

About accounting

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply