TESDA humiling ng suporta sa LGU

HINILING ng Technical Education and Skills Development Authority (TESDA) sa local government units (LGU),  partikular sa mayayamang munisipalidad na maglaan ng pondo para sa technical-vocational training ng kabataan.

Layunin nito na mapalakas ang TESDA scholarship programs para sa mga hindi pinalad ngunit talentadong kabataan na magkaroon ng pagkakataong muling makapag-aral at mabigyan ng oportunidad sa trabaho.

Ito ang panawagan ni TESDA Director General Joel Villanueva sa mga lokal na pamahalaan sa Luzon sa pagtitipon ng League of Municipalities of the Philippines (LMP) sa Subic Bay, Olongapo na tumalakay din sa tugon ng LGUs sa nagbabagong klima, sakuna, kawalan ng trabaho at lumalaking ekonomiya.

Tinukoy ni Villanueva na  makatutulong ang LGUs,  upang mas maparami ang makibanang sa Training for Work Scholarship Program (TWSP).

Para sa 2011, mayroon lamang P700-milyon ang TESDA para pondohan ang TWSP at Private Education Students Fund Assistance (PESFA) program at katulad na halaga rin ng badyet ang inaasahang  makukuha sa nasabing programa sa ilalim ng 2012 P1.816-trillion General Appropriations Bill (GAB).

“Maaaring magbuhos ng pondo ang local government units bilang suporta sa ating technology-based community training programs na naayon sa pangangailangan na trabaho sa kanilang komunidad,” pahayag ni Villanueva.

“Kung magiging permanenteng programa ang paglinang sa kakayahan ng mga mamayan sa pamamagitan ng regular na paglalaan ng pondo para sa implementasyon ng pagsasanay at proyektong pang-kabuhayan, mahihimok natin ang mayayamang local government units na tumulong,” aniya.

Umaasa si Villanueva na magagamit ang karagdagang pondo mula sa mayayamang LGU para mapalakas ang technical-vocational education sa 4th, 5th at 6th class municipalities na mayroong limitadong pondo. Linda Bohol

 

About accounting

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply