Tesda, Isuzu inihandog ang mga bagong iskolar ng bayan

TACLOBAN CITY, PHILIPPINES — Isang “open-campus” event ang isinagawa ng Technical Education and Skills Development Authority (Tesda) sa kanilang Auto-Mechanic Training Center sa lungsod kamakailan lamang.

Katuwang ang kompanyang Isuzu at Plan Philippines, binigyan ng Tesda ang kanilang mga estudyante roon ng pagkakataon na maipamalas ang kanilang galing sa mga mahahalagang bisita, na inimbitahan hindi lamang para masaksihan ang training ng mga estudyante, kung hindi upang makapili na rin sila ng mga taong maaari nilang kunin na magtrabaho para sa kanilang kompanya matapos nilang mag-aral.

Ilan sa mga panauhin ng araw na iyon ay sina IPC (Isuzu Philippines Corp.) President Ryoji Yamazaki, IML (Isuzu Motors Limited-Japan) Senior Executive Officer Ryo Sakata, IML Associate CSR Division Executive Kimihiko Sato, at Tesda Director General Joel Villanueva. Present rin ang Vice-Governor ng Leyte na si Gng. Ma. Mimietta. Bagulaya, ang Tacloban City Councilor Cristina Romualdez at maging ang Country Director ng Plan Philippines na si Diosdado Wana.

Liban pa sa Tesda curriculum-based na training, nagpapadala rin ang Isuzu ng mga guro sa training center na mula pa sa Japan upang turuan ang mga estudyante.

Ayon kay G. Sato, layunin ng Isuzu na makapagpatapos ng mga estudyanteng magaling at kayang makipagsabayan sa ibang mga propesyonal sa larangan ng pagmemekaniko.

Ang bawat estudyante na makapagtatapos sa Isuzu-Tesda training center ay ginagawaran ng NC4 certificate na siyang pinakamataas na sertipikasyon ng pagiging isang mekaniko sa bansa.

Sa kasalukuyan, 129 nang iskolar ang tinanggap ng Tesda Auto-Mechanic Training Center, kung saan 54 rito ay sertipikado na at nagtratrabaho na rin para sa iba’t ibang kompanya.

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply