Top seeding pag-aagawan ng SBC, SSC

PAREHONG nakahain sa San Beda College Red Lions at San Sebastian College Stags ang twice-to-beat incentives subalit hindi pa rin sila kuntento dahil pinag-aagawan naman nila kung sino ang hahawak ng top seeding sa Final Four ng 87th NCAA seniors basketball competition.

Tangan ng Red Lions at Stags ang 16-2 win-loss slate matapos talunin ng una ang huli, 91-70 kahapon sa pagtatapos ng eliminations round.

Bukas (Oktubre 14) malalaman kung sino sa defending champion SBC at SSC ang uupo sa tuktok at upang makaharap ang no. 4 seed Jose Rizal University Heavy Bombers habang ang matatalo ay makakalaban ang no. 3 seed Letran Knights sa Final Four.

Maghaharap ang SBC at SSC sa ganap na alas-2:00 ng hapon sa The Arena, San Juan.

Sa first round ng eliminations ay ginapi ng Stags ang Red Lions 70-68 upang tapusin ang record 26-game winning streak ng huli.

Nakabawi ang Red Lions sa Stags ng sumingasing sa opensa sina Garvo Lanete at Anthony Semerad na parehong tinanghal nakaraan bilang ACCEL/3XVI NCAA Press Corps Players of Week.

Kumana si Lanete ng 17 puntos habang si Semerad na hindi nakapaglaro sa first round dahil sa calf injury ay nagsalpak ng 13 puntos.

Nakipagpalitan pa ng puntos ang Stags sa simula ng first quarter at pagkatapos ay inilabas na ng Red Lions ang kanilang pangil upang tapusin ang half time tangan ang 45-35 bentahe.

Sa kalagitnaan ng third canto ay parang sumuko na si Stags coach Topex Robinson dahil inilabas na sina Calvin Abueva at Ronald Pascual kaya naman umalagwa ang lamang ng Red Lions, 68-45, may 1:04 sa nasabing period.

Samantala, tinapos ng three-peat seeking Red Cubs ang 18-game elims sweep nang payukuin ang Staglets, 96-68, upang awtomatikong umakyat sa finals dala ang thrice-to-beat advantage. Elech Dawa

loading...

About accounting

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply