Tubig-ulan iniinom ng Bulakenyo

DISMAYADONG inihayag ni Senate President Pro-Tempore Jinggoy Estrada na tanging recycle na tubig-ulan ang iniinom ng mga residente sa bayan ng Obando at Calumpit dahil maraming lugar ang nananatiling nakalubog sa baha at hindi mapuntahan ng rescue and relief missions.

Sa pahayag, sinabi ni Estrada na ipinarating din ng ilang opisyal ng barangay sa bayan ng Obando at Calumpit sa kanyang pagbisita nitong Lunes (Oktubre 3) upang maghatid ng relief goods na maraming residente ang hindi nakakain ng disente sa loob ng mahigit isang linggo.

“Karamihan sa kanila hindi pa nakakain ng disenteng hapunan sa loob ng mahigit isang linggo. Iyong iba nire-recyle ang tubig-ulan upang pamatid ng uhaw,” ayon kay Estrada.

Kasama ni Estrada ang kanyang kabiyak na si Precy na bumisita at nagdala ng relief goods sa Obando at Calumpit sa Bulacan kaya’t nabiyayaan ang mahigit 2,000 residente sa dalawang bayan.

Isa ang lalawigan ng Bulacan sa pinakamatinding hinagupit ng bagyong “Pedring” at “Quiel” na tumama sa Northern at Central Luzon noong nakaraang linggo.

Tinukoy pa ni Estrada na may ilang pamilya sa mga evacuation sites ang nakatatanggap ng maraming relief goods na ipinamamahagi ng ahensiya ng pamahalaan at pribadong sektor, ngunit marami pa rin ang nakulong sa loob ng kanilang tahanan na hindi nakatatanggap ng tulong mula sa disaster relief authorities.

Inamin ng lokal na opisyal na lubha silang “nalunod” sa malaking bilang ng apektadong pamilya sanhi ng bagyo.

Nagdala ang mag-asawang Estrada ng bigas, delata at biskuwit sa Calumpit at Obando, Bulacan nitong Lunes ng umaga. Kailangan pa nilang sumakay ng isang military truck upang makarating sa lugar na kanilang relief mission, na isa sa isang elevated portion ng isang kalsadea sa Brgy. Caniogan.

“The province will need a lot of time and resources for its complete rehabilitation,” ayon kay Estrada habang inoobserabahan ang malawak na lupain na lubog sa baha.

“Kami mismo ay nahirapan din sa pamamahagi ng relief goods dahil hindi kami agad makakita ng tuyo at mataas na lugar. Ang isang site namin, ilang hakbang lang at baha na rin ang paligid,” ayon kay Estrada.

Idinagdag pa ni Estrada na karamihan sa residente ay ayaw umalis ng kanilang tahanan sanhi ng lampas-tuhod na baha. Kaya resulta nito, tanging barangay captains lamang ang kumukuha ng kanilang relief goods upang maipahagi sa biktima ng baha.

Nakipagpulong din ni Bulacan Gov. Wilhelmino Alvarado kay Estrada at ipinarating sa kanya ang lawak ng pinsalang dulot ng bagyo at kanilang plano sa rehabilitasyon at agarang pagbabangon.

Kasama din ni Estrada sina   Calumpit Mayor James de Jesus at barangay chiefs ng Barangays Panghulo, Paliwas at tatlo pang iba.

Napangiti naman si Estrada nang matunghayan ang mga Bulakenyong nakatawa sa harap ng teribleng sitwasyon na kanilang kinasasadlakan. Ernie Reyes

loading...

About accounting

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply