Tulay na alambre at mga dayuhang sulsol sa Minda

PARANG naglalakad sa tulay na alambre ang pamahalaang Aquino kaugnay ng naganap na sagupaan ng mga sundalo at Moro Islamic Liberation Front sa Basilan na ikinamatay ng 19 sundalo.

Kung malambot ito o matigas, maaaring mahulog ito.

Kung mahuhulog ito dahil sa kalambutan nito sa pangyayari pwede bang ihulog na ito ng tuluyan?

Kung mahuhulog ito dahil sa katigasan, dapat din ba itong ihulog na nang tuluyan?

Nasa sa inyo, mga Bro, ang kasagutan diyan.

Pero gusto nating hindi mahulog ang pamahalaan.

At tingnan natin kung paano ito tutulay sa alambre hanggang sa makita natin kung uubra ang matuwid na daan sa usaping ito.

Unawain ang dahilan

Pipilitin nating unawain kung bakit hindi nag-aala-Erap itong si PNoy dahil sa pangyayari.

Noong si Erap ang nakaupo sa Malakanyang, hindi ito nagbibiro sa problema.

Nilusob niya ang mga MILF at itinayo niya ang bandila ng Pilipinas sa Camp Abubakar ng mga ito.

Marahil, naniniwala pa rin ang gobyernong PNoy na makukuha ang lahat sa malamig na ulo at paupong paraan at hindi sa santong paspasan.

Isa pa, ‘di ba nagsasaya naman ito kung nakatsatsamba ang mga sundalo ng marami sa mga kaaway ng gobyerno?

Parang gulong ang pamahalaan

Kung minsan nasa itaas ka, kung minsan nasa ibaba ka.

Parang umiikot na gulong?

At nagkataon lang na sa pag-ikot ng gulong noong araw ng labanan, nasa ilalim ang mga sundalo, ng pamahalaan.

May hindi nakikita

Mayroon bang nakikita ang gobyernong PNoy na hindi nakikita ng mga ordinaryong mamamayan, lalo na ang mga utak-pulburang kagawad ng militar at pulisya?

Maaari.

At ito ang gusto nating unawain.

Pero kinakailangang sabihin ni PNoy ang mga nakikita nito kaya lamig ng ulo ang inihaharap nito sa problema kahit na natotodas ang ating kasundaluhan.

Lalawak lang ang giyera

Isa ba sa mga posibleng mangyari, mga Bro, ang pagsiklab ng mas malawak na digmaan kung sakaling ideklara ni PNoy ang giyera sa Basilan?

Lalo’t nagpakilala ang mga rebelde at hindi lamang sa Basilan sila matatagpuan kundi sa iba pang bahagi ng Mindanao.

At kung sisiklab ang mas malawak na digmaan, ang bansa mismo ang maghihirap dahil walang nakaaalam kung saan hahantong ang giyera at kung kailan ito magwawakas?

Diyan natin pilit na uunawain ang pamahalaang PNoy.

Milyon ang magugulo

Kung sisiklab ang digmaan, maaaring milyong katao ang mawawalan ulit ng normal na pamumuhay gaya ng karanasan na sa naunang mga katulad na pangyayari.

Kung magaganap ito, maaaring pagmumulan ito ng problemang higit na mas malaki kaysa pagkamatay ng 19 na sundalo.

At maaaring pagmumulan pa ang gulo sa hanay ng mamamayan ng mga puwersang lalong magpapalala sa problema.

Problema nga naman ang pagpapakain sa milyong evacuees, pag-aaral ng mga bata, panggagamot sa mga magkakasakit at iba pang problema.

Mga PPP mapupurnada

Magsasakripisyo rin ang mga binabalak ng pamahalaan na paglalagak ng mga puhunan sa Mindanao.

Ang mga proyekto sa Public-Private Partnership halimbawa ay mawawalan ng saysay at walang matutuloy ni isa sa mga ito.

Walang magagawang eskuwelahan, tulay, pier, airport, palengke, kalsada at iba pa na magagawa.

Magpapatuloy ang krisis sa ekonomiya ng mga mahihirap na lugar.

Hindi ba nasa Mindanao ang marami sa mga mahihirap na lalawigan, munisipyo barangay?

Kung sisiklab ang malaganap na digmaan, wala nang magagawang development project at mananatili sa kahirapan ang mamamayang nasa mga lugar ng digmaan.

Interes ng mga dayuhan

Napakayaman ang Mindanao na maaaring sumakop sa Palawan.

Diyan matatagpuan ang deuterum na pamalit sa langis at ang Mindanao ang pangalawa sa may pinakamalaking deposito nito sa buong mundo.

Ang West Philippine Sea hanggang sa Sulu ay mayaman din sa langis at natural gas, gaya ng nasa Malampaya, Palawan.

Sa Liguasan Marsh matatagpuan ang malaking deposito ng ginto at baka mas malaki pa ang deposito rito kung ikukumpara sa matatagpuan sa Monkayo, Compostela Valley.

Napataba rin ang mga lupain dito at pupuwedeng tamnan ng kahit anong pagkain. Hindi ba sinasabing susunod na rice capital ang Mindanao kung masisira na ang mga palayan sa Gitnang Luzon?

Madaling kausap

Lumalabas ang mga balita na may mga dayuhang interesado sa pagtulong sa mga rebelde na humiwalay sa bansang Pilipinas upang makopo nila ang mga kayamanan ng Mindanao.

Mas madali umano nilang kausapin ang mga kapatid na Muslim kaysa mga korap na nasa gobyerno ngayon ukol sa mga yaman ng Mindanao.

Ang pagbisi-bisita nila sa Mindanao ay parang pagpapakita nila ng paniniwalang “daig ng maagap ang masipag.”

Ito dapat ang isa sa mga babantayan ni PNoy. Kung hindi, ewan natin kung saang kangkungan tayo pupulutin.

oOo

Anomang reklamo o puna ay maaaring iparating sa www.-remate.ph o i-text sa 09214303333.

loading...

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply