Ukay-ukay sa Customs mapupunta sa DSWD

TONE-TONELADANG ukay-ukay ang nakatakdang ilipat ng Bureau of Customs sa Department of Social Welfare and Development (DSWD) ng walang anumang buwis o duties na karaniwang binabayaran.

Ayon kay Customs Commissioner Ruffy Biazon, ang mga ukay-ukay na inabandona na ng mga consignee ay kumpiskado na pabor sa pamahalaan. At dahil sa DSWD mapupunta ang mga kargamento na ipamamahagi sa mga nasalanta ng mga kalamidad, ini-waive na ng BOC ang mga dapat sanang bayarang buwis para sa mga ito.

Subalit, sinabi ni Biazon na kailangan umanong bayaran ng DSWD ang “wharfage fee” bilang kabayaran sa pagkakaimbak nito sa bodega ng pamahalaan at naaayon sa Customs Code.

Sinabi naman ni Manila International Container Port (MICP) district collector Ricardo Belmonte na tinawaran ng DSWD ang “wharfage fee” na pumapatak sa P34.00 kada metriko tonelada bawat araw at pumayag na ang BOC sa halagang P1 na lamang bawat metriko tonelada kada isang araw.

Nang kuwentahin sa isang taong pagkakalagak ng kargamento sa MICP, lumabas na aabot sa halagang P140,000 ang dapat bayaran ng DSWD para sa mga ukay-ukay.

loading...

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply