Umpisa ng krusada

PARA sa akin, kailangan na ang matibay na paninindigan laban sa problema natin ukol sa squatters o illegal urban settlers at illegal voting. Noong Biyernes, naghain ako ng resolusyon sa Commission on Elections kung saan napapaloob ang ilang paraan para masugpo ang abusadong paggamit sa squatters tuwing eleksyon.

Ang aking resolusyon ay isa ring panawagan para sa mas paghihigpit ng batas ukol sa isyu ng tirahan sa panahon ng halalan. Ang tanong – problema ba ng bayan ang squatters o pinagsasamantalahan sila lalo tuwing halalan?

Sa aking inihaing resolusyon na itinuturing kong simula ng isang personal na krusada, nananawagan ako sa COMELEC ng paghihigpit pa sa panuntunan nila para hindi madali sa isang botante at isang kandidato, na magpapalit-palit ng address at magpalipat-lipat ng lugar kung saan boboto.

Dapat pwede lang bumoto sa lugar kung saan ang botante ay may mga pag-aari, gaya ng sariling bahay. O kaya ang isang botante ay pwede lang bumoto sa lugar na ligal ang basehan ng kanyang pagiging residente, na kung hindi sa kanya ang bahay niya ay ligal niya itong inuupahan.

Dapat matindi ang parusa sa mga mahuhuli na naghahakot ng “flying voters” o gumagawa ng “hakot voting”. Dapat patawan ng mas matinding parusa ang mga nagkukutsabahan sa iligal na mga gawaing ito lalo na ang pagpapahintulot sa squatters na makaboto bilang “absentee voters.”

Maganda sana ang programang “balik probinsya” kung totoong maiaayos nito ang buhay ng mga kababayan natin na nagpunta rito sa syudad pero nabigong makahanap ng matinong pagkakakitaan.

Kung makababalik sila sa kanilang mga probinsya ay hindi na sila mapagsasamantalahan ng mga pulitiko.

Pero maraming dapat pang gawin sa programa tulad ng pagbibigay ng maayos na hanapbuhay sa mga nagbabalik-probinsya.

Eleksyon na naman. Sana ngayon pa lang ay simulan na ang pag-aayos sa problema ng mga botanteng squatters para hindi sila maabuso na naman sa halalan.

Kapag naiayos ang problema ng illegal squatters at malinis ang listahan ng mga botante ay maiaayos ang halalan at mas magiging karapat-dapat ang susunod nating mga lider pulitika.

Ano ang masasabi ninyo sa mungkahi kong ito? Mag-text po kayo sa akin sa 09209280847 o mag-email sa: ariel.inton@gmailcom. Mahalaga sa akin na malaman ang inyong saloobin at opinyon tungkol sa isyung ito.

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply