Utang sa tubig ng QCPD inayos na

INAYOS na ng Quezon City government ang pagkakautang sa tubig ng QC Police District sa dalawang concessionaries ng Metropolitan Waterworks and Sewerage System (MWSS).

Kahit hindi ito obligasyon ng lungsod, nagdesisyon si Mayor Herbert Bautista na tapusin na ang problema bilang pagpapakita sa patuloy na pagsuporta at makalasakit sa kapulisan.

Nitong Hulyo lamang, binayaran na ng lungsod ang Maynilad Water Services, Inc. ng halagang  P955,788.56  bilang partial payment para sa mga nagdaang taong obligasyon ng QCPD na mula 2005 hanggang 2009.

Noon ding buwan, binayaran ng lungsod ang Manila Water ng halagang P1.086 milyon bilang partial payment ng water obligations ng QCPD mula 2008 hanggang 2009.

Nabatid din na nakatakdang bayaran ng lungsod ang Maynilad Water Services, Inc. ng halaga pang P424,027.38 ngayon taon para naman sa water consumption ng QCPD para sa 2010.

Sa kanyang sulat kay Bautista, pinuri ni Maynilad Water Services Inc. assistant vice president for key accounts management Anette de Ocampo ang alkalde sa pagtulong sa QC police na bayaran ang pagkakautang sa kanila.

Ang mga QCPD stations na nasa ilalim ng Maynilad Water Services ay ang La Loma (PS-1), Masambong (PS-2), Talipapa (PS-3), Novaliches (PS-4), Fairview (PS-5), Batasan Hills (PS-6) at police precinct 4 sa Luzon Avenue.

Ginawa ni Bautista ang pagtulong sa QCPD nang malaman nitong walang pondo ang National Capital Region Police Office (NCRPO) para mabayaran ang nakonsumong suplay ng tubig sa lahat ng police stations sa Metro Manila.

Ikinasa na rin ng QC government ang subsidize sa water consumption ng QC jail na halagang P1.2 million bawat taon o P100,000 bawat buwan.  Robert C. Ticzon

loading...

About accounting

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply