Vietnam Lady spikers kampeon sa Shakey’s V-League

BAWI na lang.

Halos nasa kamay na ng Philippine Army ang titulo ng 1st Shakey’s V-League Southeast Asia Club Invitational sa The Arena sa San Juan na ginanap kahapon (Linggo, Oktubre 30).

Hinataw ng Lady Troopers ang unang dalawang set subalit naging buo ang dibdib ng Vietnam Vietsovpetro at nakuha nila ang tatlong huling set, 18-25, 14-25, 25-22, 25-23, 15-8, upang iuwi ng dayuhan ang korona.

Nagtulong sina Anactaxia Trernai at Ekaterina Martynova na mga Russian reinforcements ng Vietnam ng tig-24 at 17 points para makuha ang kampeonato na umabot sa dalawang oras na labanan.

Sa third set naramdaman na ng Pinay volleybelles na minamalas na sila dahil natambakan agad ang mga ito.

Pagpasok ng fourth set ay nagtuloy-tuloy ang kaalatan ng Philippine Army Lady Troopers kaya nagkaroon ng deciding game na fifth set.

Dito na binangungot ng todo ang Pinay spikers dahil lubog agad sa 0-10 ang score.

Samantala, nakasilat pa ang Malaysia kontra Ateneo de Manila University, 25-22, 25-21, 25-13, para makuha ang third place.

Natapat pa ang panalo ng Malaysian para sa battle for third place dahil ito ang kauna-unahang panalo nila sa nasabing liga.

Humataw si Yew Sook Ting ng 18 points, 14 dito ay spikes at may tatlong blocks, at dinagdagan pa ito ni The Huei Hong at Jessie Lee Jay See ng 13 at 10 points para tapusin ang liga sa 1-3 na win-loss record.

Nanguna si Alyssa Valdez para sa Lady Eagles na may 17 points at bumakas naman si skipper Fille Cainglet ng 12 points pati na rin si Dzi Gervacio ng pitong puntos.

Tinapos ng Vietsovpetro ang kampanya na walang talo.

loading...

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply