‘Di pinabiyahe sina GMA, ‘di bumiyahe si PNoy, bakit?

MAY naging kapuna-puna sa magkasunod na gabi.

Yun bang === gabi kamakalawa at kahapon ng gabi.

‘DI PINABIYAHE SINA GMA, FG

Kamakalawa ng gabi, pinigilan ng mga taga-Bureau of Immigration, sa utos ni Justice Secretary Leila de Lima, sina Aling Gloria at Mike Arroyo na lumabas ng bansa.

Dahil dito, in-off load o hindi pinasakay ng mga eroplano ang mga Arroyo.

Rason ng mga may hawak ng eroplano, may patakaran na kung walang maayos na papeles ang pasahero, bawal silang pasakayin.

Ayon sa mga taga-BI, may order sa kanila na hindi nila pipirmahan ang anomang papeles hawak ng mga Arroyo para sa ligal nilang paglabas ng bansa.

Pero ang mas malalim na mga rason ay nasa utak ng mga nagmamando sa BI at Ninoy Aquino International Airport.

SUSPETSANG TATAKAS

Nasa utak lahat talaga dahil kabilang sa mga malalim na dahilan ay ang paniniwala o suspetsa na hindi na  babalik pa sa mahal kong Pinas ang mga Arroyo para managot sa mga bintang na kriminal na iniimbestigahan ng mga kaukulang ahensya ng pamahalaan, gaya ng Department of Justice at Office of the Ombudsman.

May paniniwala o suspetsa  ring naghahanap ang mga Arroyo ng mapagtataguan sa ibang bansa, lalo na ang mga walang extradition treaty sa Pinas.

Lalong pinalala ang mga paniniwala o suspetsang  ganito ng pag-amin nina Speaker Sonny Belmonte na wala na silang magagawa pa kung hindi na babalik lalo na si Aling Gloria na kinatawan pa mandin ng Pampanga at miyembro ng Kamara sa ilalim ni Belmonte.

‘DI BUMIYAHE SI PNOY

Ito namang si Pangulong Noynoy ay hindi itinuloy ang pagbiyahe nito patungong Bali, Indonesia kagabi.

Pinigil naman niya ang sarili na bumiyahe.

Hinahanap ngayon ng iba ang dahilan naman ni PNoy para hindi bumiyahe.

Wala umanong dahilan.

Pero nakatitiyak tayo, mga Bro, na kasing lalim ng dahilan nito sa dahilan ng hindi nito pagpayag na bumiyahe ang mga Arroyo.

ANO MAN ANG DAHILAN?

Ang natatandaan natin, nagkaroon din ng tsismis na may mga heneral na nagmamaniobra kaugnay ng labanan nina PNoy at Aling Gloria.

Kung anong maniobra ang mga iyon ay hindi malinaw.

Kasing-labo yata ng tsismis ukol sa text message na  paghahanap ng asylum ng mga Arroyo.

Kung sineryoso ni De Lima ang text message na sa kalaunan yata ay tsismis lang, sineryoso rin ni PNoy ang tsismis ukol sa mga maniobra ng ilang heneral.

Kung may usok, may apoy?

Naalaala tuloy natin ang mga pekeng yosi na ibinebenta kapalit ng mga tunay na yosi.

May usok din ang mga ito at nagliliyab din kung hinihitit.

Nakatatakot na talaga ang mga may kinatatakutan.

May gustong lumabas ng bansa, may hindi lalabas ng bansa.

Nakupo!

MANIOBRAHAN TULOY-TULOY

‘Yang paglabas o pagpasok sa bansa sa anomang dahilan ay mahalaga.

Ginagarantiyahan ito mismo ng Konstitusyon.

Kaya lang nahaharap na nga sa problema ang karapatang ito sa mga kasong kinakaharap nina PNoy, De Lima, Aling Gloria at Mike Arroyo.

Umabot na nga ang banggaan sa pagitan ng Korte Suprema at Department of Justice.

Sa totoo lang, ngayon lang tayo nakakita ng mas mababang organo ng pamahalaan na kumakasa o sumusuway sa mas mataas sa kanya.

Sinuway ng DOJ ang kautusan ng Hukuman na payagan sina Arroyo na lumabas ng bansa.

At imagine, mga Bro, ipinakita ng DOJ na walang court-court order gaya ng Temporary Restraining Order  ng Hukuman.

At mas makapangyarihan ang DOJ sa pamamagitan ng sarili naman nitong order.

Yun bang === Watchlist Order na iniharang sa airport laban sa mga Arroyo.

Ito’y kahit na sinasabi ng Hukuman na wala nang bisa ang WLO ng DOJ dahil sa TRO.

MOTION FOR RECONSIDERATION

Sabi pa ng Hukuman, hindi pupuwedeng pigilin ng DOJ ang pagpapatupad ng TRO mula sa Hukuman.

Kahit ang Motion for Reconsideration na isinampa ng kampo nina PNoy ay walang bisa laban sa TRO.

Pero nananatiling matigas ang DOJ at iginigiit nitong dapat na malinawan muna ang pinagmulan ng WLO, ang DOJ Circular 41.

Hangga’t hindi malilinawan o hindi gagawa ang Hukuman ng pinal na desisyon  ukol sa nasabing circular at WLO, hindi titinag ito sa pagharang sa mga Arroyo.

Ito’y kahit na sinasabi mismo ng Hukuman na pupuwedeng humiling ang mga Arroyo ng tulong sa mga pulis o sundalo para ipatupad ang TRO at karapatan nilang bumiyahe palabas ng bansa.

ANO ANG MANGYAYARI?

Kung may papayag na mga pulis at sundalo na ipatupad ang TRO at pipilitin nilang lalabas ang mga Arroyo samantalang pipigilan naman sila ng mga taga-BI na may kasamang mga pulis at sundalo rin, ano kaya ang mangyayari?

Nakatatakot isiping may mangyaring hindi maganda.

Sana naman, hindi aabot ang lahat sa paggamit ng dahas.

O kaya’y pagdedeklara ng martial law dahil lang sa away ng mga korap at hindi sumusunod sa batas.

oOo

Anomang reklamo o puna ay maaaring iparating sa programang Power Point ng RHTV o DZRH 666khz AM tuwing Sabado 3 to 4 PM o mag–text sa 09214303333.

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply