109 kaso ng A(H1N1) kinumpirma ng DoH

KINUMPIRMA ni Department of Health (DOH CHD-MM) Center for Health – Development Metro Manila Regional Director Eduardo C. Janairo na nakapagtala sila ng 109 kaso ng Influenza A(H1N1) sa National Capital Region (NCR) ngayong taon.

Batay sa ulat ng DOH-National Epidemiology Center (NEC), umaabot sa 109 laboratory confirmed A(H1N1) cases ang kanilang naitala sa NCR mula Enero 1 hanggang Nobyembre  5, 2011.

Wala namang iniulat na namatay sa sakit.

Ang Muntinlupa City ang nakapagtala ng pinakamaraming kaso ng sakit na umabot sa 83 habang nakapagtala rin ng A(H1N1) cases sa Valenzuela (5), Pasig (5), Parañaque (4), Makati (2), Malabon (2), Taguig (2), Mandaluyong (1), Marikina (1), Pasay (1) at Quezon City (1).

Karamihan sa mga kinapitan ng sakit ay mga lalaki at yaong kabilang sa 1-4 year old age group.

Kaugnay nito, pinayuhan ng Janairo ang mga residente na panatilihing malusog ang kanilang mga katawan at malakas ang kanilang immune system upang matiyak na hindi sila mahahawahan ng influenza virus.

Ayon kay Janairo, nakararanas ng malamig na panahon sa bansa ngayon dahil sa nalalapit na kapaskuhan kaya dapat lamang aniyang magsuot ng akmang damit ang bawat isa tulad ng sweater at jacket bilang proteksiyon laban sa influenza at flu-like diseases.

Pinayuhan din ni Janairo ang publiko sa mga matataong lugar upang makaiwas sa virus na madaling makuha dahil air-borne ang mga ito.

Noong 2009, matatandaang nagdulot ng pangamba sa buong mundo ang A(H1N1) dahil sa mabilis na pagkalat at pagkamatay ng maraming dinapuan ng sakit.

Nagdeklara ng influenza pandemic ang World Health Organization (WHO) sa buong mundo dahil sa sakit na unang tinawag na ‘swine flu virus’, bunsod nang kawalan nito ng lunas.

Nilinaw naman ni Janairo na sa ngayon ay wala nang dapat pang ipangamba laban sa A(H1N1) dahil bagamat ito’y highly infectious, ito’y itinuturing na lamang na ordinaryong trangkaso at maaaring gamutin ng ‘Oseltamivir,’ na mabibili sa mga pangunahing botika.

Gayunman, pinayuhan ni Janairo ang publiko na bago pa man uminom ng gamot ay makabubuting kumonsulta muna sa doktor.

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply