16-anyos na kasambahay minaltrato ng amo

“SINASABUNUTAN po ako, tinatadyakan at sinusuntok.”

Ito ang inihayag ngayon ni Amor (hindi tunay na pangalan), 16-anyos na kasambahay, matapos na masagip ng mga tauhan ng Manila Social Welfare Department (MSWD) at Manila Police District-Police Station 1 sa bahay ng kanyang adik na amo na si Rod Ronquillo, 30, sa 2853 J. Cunanan St. Gagalangin Tondo, Maynila.

May pasa pa sa katawan at bukol sa ulo si Amor nang masagip ng mga awtoridad.

Si Amor ay ni-rescue ng mga tauhan ng mga awtoridad dakong ala-1:30 ng hapon nang ireklamo ng isa nilang kapitbahay na nakasaksi sa pagmamalupit ni Ronquillo sa biktima.

“Nagkamali lang po ako ng abot, imbes na keso, e mantikilya ang naibigay ko, tapos po sinuntok na niya ako at tinandyakan inuntog pa rin ang ulo ko sa gate ng bahay, ” sumbong pa ni Amor.

Malimit umanong nakakaranas ng pang-aabuso si Amor sa kamay ng among si Ronquillo.

Nalaman kay Jay de la Fuente, hepe ng MSWD, pati pag-aaring cellphone ng biktima ay kinuha pa ng suspek at hindi na ibinalik.

Base sa nakuhang impormasyon ng pulisya, nagbebenta umano ng mga sasakyang walang papeles ang suspek kaya inutos ni Dela Fuente sa MPD ANCAR na siyasatin ang background nito na sinasabi ring isang drug user at sangkot sa carnapping.

Nabatid na may limang buwan na umanong naninilbihan ang biktima sa suspek pero dalawang buwan pa lamang ang pinapasahod sa kanya, kung saan P2,500 kada buwan umano ang kanyang suweldo.

Sinabi ni De la Fuente na nakatakdang sampahan ng kasong child abuse sa ilalim ng Republic Act 7610 si Ronquillo.

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply