2 holdaper nasilo ng pulisya

NADAKIP ng mga pulis ang dalawang holdapper habang nakatakas ang hindi pa nakikilalang kasama ng mga ito matapos na biktimahin ang isang tricycle driver sa Caloocan City kagabi (Nobyembre 14).

Nakilala ang mga suspek na sina Gerry Surbano, 25, ng Waling-Waling St., Camarin at Salvador Frondozo, 24, ng Barracks 2, Tala kapwa ng lungsod.

Sa ulat, dakong alas-7:30 ng gabi, sumakay ang mga suspek sa tricycle ni Houdini Go, 18, sa Tala ng lungsod.

Hindi pa nakakalayo ay naglabas ng baril ang mga suspek sabay deklara ng holdap.

Kinuha ng mga suspek ang P500 pasada ng biktima bago tinangay ang tricycle.

Agad naman nakahingi ng tulong ang biktima sa mga pulis at sa isinagawang follow-up operation ay nadakip sina Surbano at Frondozo habang nakatakas ang kasama dala ang tricycle.

Nakuhanan din ng paltik na kalibre .38 si Surbano at inaalam na rin kung nasaan ang tricycle ng biktima.

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply