23,794 kaso ng dengue naitala sa MM ngayong taon

KINUMPIRMA ni Center for Health Development-Metro Manila (CHD-MM) Regional Director Eduaro Janairo na umaabot na 23,794 kaso ng dengue ang naitatala ng Department of Health (DOH) sa Metro Manila ngayong taon at 133 na sa mga ito ang kumpirmadong nasawi.

Ito ay batay na rin sa pinakahuling istatistika mula sa Regional Epidemiology Surveillance Unit (RESU) ng DOH na naitala mula Enero 1 hanggang Nobyembre 5.

Ayon kay Janairo, ang naturang bilang ng sakit ay mas mataas ng 14 porsiyento kumpara sa naitalang 20,934 kaso noong nakaraang taon sa kahalintulad na petsa, bagamat mas marami ang nasawi noong 2010 na umabot ng 134.

Nabatid na karamihan sa mga dinapuan ng sakit ay mga lalaki at yaong nagkakaedad lamang ng isang buwan hanggang 15 taong gulang (14,604 kaso na may 117 nasawi).

Ang 10 nangungunang siyudad naman kung saan pinakamaraming kaso ng dengue na naitala ay ang Quezon City (7,742), Manila (3,368), Caloocan (2,616), Valenzuela (1,443), Pasig (1,204), Malabon (1,031), Paranaque (1,020), Taguig (748), Navotas (624) at Pasay (699).

Kaugnay nito, inatasan ni Janairo ang mga DOH retained hospitals, health facilities at maging ang komunidad na kaagad na iulat sa regional office ang mga hinihinalang kaso ng dengue sa kanilang lugar upang maiwasan ang pagkakaroon ng malawakang transmission ng naturang sakit.

Mayroon na rin aniyang mga lugar na nakapagtala ng “zero dengue cases” sa mga nakalipas na linggo at nais aniya nilang mapanatili ang naturang estado.

“I encourage our health workers and the community leaders to be vigilant in reporting cases,” ani Janairo.

Payo pa nito sa publiko, maging mapag-obserba sa mga sintomas ng sakit upang maagapan ito at hindi na mauwi sa pagkamatay ng pasyente.

Mas makabubuti rin aniya kung makakaiwas sa sakit sa pamamagitan nang pagpapanatiling malinis sa kapaligiran, paglalagay ng insect repellent lotion, pagsusuot ng pajama at damit na mahaba ang manggas.

“Dengue is still prevalent even during the cold season that is why it is best to know the signs and symptoms and to be able to seek medical treatment. Early diagnosis can increase the survival of patients inflicted with the virus,” aniya pa.

Ang suspected dengue cases ay maaaring i-report ng direkta sa CHD-MM 24/7 sa pamamagitan ng tawag o text sa mga numerong Smart (0947) 8138420; Globe (0917) 8247459 at Sun (0923) 1119600.  Kyle Gatus

 

loading...

About accounting

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply