3-day march ng PALEA umarangkada na

SINIMULAN na kanina ng mga miyembro ng Philippine Airlines Employee’s Association (PALEA) ang tatlong araw na martsa sa layong makamit ang hustisya sa pagsibak sa kanila sa trabaho.

Kasama ang mga militanteng grupong Bukluran ng Manggagawang Pilipino at Partido Manggagawa, unang nilusob ng grupo ang harapan ng gusali ng Pasay City Hall of Justice upang manawagan sa patas na pagdinig sa petisyon ng pamunuan ng PAL na humihiling ng permanent injunction na pipigil sa kanilang mga isinasagawang kilos-protesta.

Ayon kay Ginalyn Licayan, pinuno ng Women’s committee ng PALEA, may mga usapin tulad na lamang ng umano’y pagbabanta kay Pasay Regional Trial Court (RTC) Judge Ma. Rosario Ragasa ng Branch 108 na dumidinig sa kaso.

Nauna nang umarangkada ang tinaguriang “Lakbay Hustisya” ng PALEA sa kanilang picket line sa MIA Road sa harapan ng In-flight Center ng PAL na dumaan muna sa Baclaran Church bago sa gusali ng Pasay City Hall of Justice, diretso sa Court of Appeals, tumuloy ng Department of Labor and Employment at ang huli ay sa Quiapo Church kung saan sila magpapalipas ng magdamag.

Itutuloy ng grupo bukas ng umaga ang martsa patungo sa tahanan ni PAL President Lucio Tan sa Biak na Bato, Quezon City kung saan magsasagawa ng demonstrasyon ng kanila umano’y paghihirap bago didiretso sa tanggapan ng National Labor and Relations Commission kung saan nakaapela ang kaso nila sa “refusal to bargain” ng PAL at ang pinakahuli ay sa Holy Trinity Church para magpalipas ng gabi.

Sa ikatlong araw ay lulusob ang grupo sa Malakanyang na inaasahang sasama na ang mas maraming demonstrador buhat sa iba’t ibang grupo upang ipanawagan ang pagbabalik sa trabaho sa PAL ng 2,600 empleyado na sinibak dahil sa bagong panuntunan sa “outsourcing” nito sa pagkuha ng empleyado.

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply