$37.9M humanitarian aid pinangangambahang mapunta sa korapsiyon

PINANGANGAMBAHANG mapunta lamang sa korapsiyon ang bagong humanitarian aid sa Mindanao na $37.9 milyon mula sa United Nations.

Ito ang inihayag ni Cotabato Auxiliary Bishop Jose Collin Bagaforo, at sinabing dapat sa tamang beneficiaries  mapunta ang nasabing pondo at hindi sa anumang katiwalian kung saan 700,000 tao umano ang nangangailangan ng tulong.

Naniniwala ang Obispo na malaking tulong ito sa mga taong naapektuhan ng kaguluhan sa Central Mindanao partikular sa kalusugan, food security, nutrisyon, tubig at iba pang humanitarian aid.

“Ang tulong na yan ay dapat makarating sa mga nangangailangan na mga totoong refugees at dapat magkaroon ng transparency upang hindi mapunta sa hindi mabuting mga kamay,” pahayag ng Obispo sa panayam ng Radio Veritas.

Ayon sa Obispo, iilang opisyal lamang ng pamahalaan ang nakinabang sa bilyun-bilyong piso na una nang ibinuhos na humanitarian aid sa Mindanao ngunit hindi ang mga taong nangangailangan ng higit na tulong ang nakinabang nito.

Sinabi naman ni Digos Bishop Guillermo Afable na dapat magkaroon ng transparency ang panibagong humanitarian aid mula sa UN.

Iginiit ni Bishop Afable na dapat makita ng taumbayan ang terms and conditions ng mga kasunduan o kapalit ng ibibigay na tulong ng UN upang hindi maluto sa sariling mantika ang mga taga-Mindanao.

Nilinaw ni Bishop Afable maganda ang hangarin ng ibang bansa na tumulong pero mahalagang hindi malagay sa alanganin na kasunduan ang Pilipinas kapalit ng humanitarian aid.

Sinabi ni Afable na kung mayroon mang ibibigay na humanitarian aid ang U-N sa Mindanao ay idaan ito sa mga pinagkakatiwalaang NGOs o mga church organization at hindi sa kamay ng mga government official at pulitiko upang tiyak na makakarating sa kinauukulan.

Umaasa naman ang CBCP-NASSA chairman Manila Auxiliary Bishop Broderick Pabillo na walang kondisyon ang UN sa ibibigay na humanitarian aid.

“Nakakatuwa kung magbibigay sila ng humanitarian aid pero ang tanong natin sana wala namang kalakip na mga kondisyon kasi nakakatakot ‘yung mga ibibigay ay may hinihinging kapalit. Alam natin lahat na kapag mayroong ibibigay na tulong ang ibang bansa ay tiyak na mayroon ‘yang hinihinging kapalit.”

Ito ang naging reaksyon ng mga Obispo sa rekomendasyon ni UN Deputy Emergency Relief Coordinator Catherine Bragg na isang linggong namalagi sa Mindanao para alamin ang kalagayan ng mga residente na paglalaanan ng bilyong pisong humanitarian aid. Jocelyn Tabangcura-Domenden

loading...

About accounting

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply