7 pumaslang kay Ram Revilla kinasuhan na

SINAMPAHAN na ngayon kasong frustrated murder at murder ang pitong suspek sa pagpatay kay Ramgen “Ram” Revilla kabilang ang dalawang kapatid ng biktima sa Paranaque City Prosecutors Office.

Sa pitong mga suspek, tatlo lamang ang hawak ng pulisya kabilang si Ramon Joseph “RJ” Magsaysay Bautista-Revilla habang ang apat pa na nakilala sa mga alyas Brian, Norwin at Glaiza at kapatid ni Ram na si Ramona Bautista-Revilla ay tinutugis na ng pulisya.

Mismong si Paranaque police chief Sr. Supt. Billy Beltran at ang hepe ng binuong Task Force Ramgen na si Chief Insp. Enrique Sy ang sumama sa pagsasampa ng kaso laban kina “RJ” Magsaysay Bautista-Revilla, 18, Michael Jay Cruz Altea at  Roy Francis Tolisora pasado alas-2 ng hapon.

Ang nakababatang kapatid ng biktima ang umano’y itinuturong mastermind o utak sa nangyaring pamamaslang sa kapatid sa ama ni Senator Ramon “Bong” Revilla, Jr., at malubhang pagkakasugat ng kasintahan nitong si Janelle Manahan noong Biyernes ng gabi (Oktubre 28) sa loob mismo ng bahay ng biktima sa President’s Avenue, Phase 6-A BF Homes Paranaque habang kasabuwat din umano ang kapatid na si Ramona na kasama sa pagpaplano.

Hindi rin umano tinangay ng mga suspek si Ramona tulad ng unang napaulat kundi sadya itong tumakas makaraan ang krimen at hindi na nagpakita pa sa halip na humingi ng tulong.

Ayon kay Chief Insp. Sy, tinutugis pa nila ang apat bagama’t dalawa lamang umano ang talagang pumasok sa loob ng bahay at nagsilbing lookout ang iba pang mga kasama.

Ibinatay naman ng pulisya ang pagsasampa ng kaso sa nakababatang kapatid ng nasawi sa naging testimonya ng mga naarestong suspek na umano’y tumanggap pa ng P200,000 mula sa itinuturong mastermind na si RJ Bautista matapos isagawa ang pagpaslang.

Tumanggi naman sina Sr. Supt Beltran at Chief Insp. Sy na banggitin ang tunay na dahilan ng pamamaslang at sinabing personal ang motibo sa krimen.

“He was given a lawyer po at binasahan po siya ng kanyang karapatan pero wala pa po siyang binibitawan na statement o inaamin,” ani Beltran.

Hindi naman kumbinsido ang pamilya Revilla sa pagkakadawit ng nakababatang kapatid ng nasawi sa krimen at ito aniya ay maituturing na malaking dagok sa kanillang pamilya lalu na’t hindi pa sila nakakabawi sa masaklap na trahedyang sinapit ni Ramgen.

Nanawagan din ang pamilya Revilla sa pulisya na siliping mabuti ang kredibilidad ng mga suspek na nagtuturo kay RJ bilang utak sa krimen upang hindi naman madawit ang mga inosente.

Gayunman, nauna ng inihayag ni Senator Revilla na “welcome development” sa kanila ang pagkakahuli sa mga suspek bagama’t patuloy pa rin nilang inaantabayanan ang magiging resulta ng isinasagawa pang imbestigasyon ng pulisya.

Naninindigan rin ang pamilya Revilla na dapat managot kung sinuman ang tunay na may kagagawan sa krimen.

loading...

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply