8 fake human right violation victims, timbog

TIMBOG sa awtoridad ang walong katao matapos magsumite ng pekeng dokumento para makuha ang kompensasyon na para sa mga biktima ng human rights violations noong Marcos regime.

Ayon sa operatiba ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG), dalawa sa mga suspek ay kapwa recruiters habang ang anim naman ay gumamit ng mga pekeng identification card para makuha ang $1,000 o P43,000 kompensasyon bawat biktima.

Sa ulat kaninang umaga ni CIDG Chief Inspector Renato Ocampo sa mga mamamahayag sa Camp Crame, ang mga indibidwal na nasa likod ng scam ay gumagamit ng mga pangalan ng mga biktimang hindi pa nakakakuha ng kanilang kompensasyon at nagre-recruit sila ng mga bagong miyembro na aakto bilang mga biktima.

Bawat mare-recruit na indibidwal na tatayong biktima ay hihingan ng ID pictures na gagamitin naman para sa pagkasa ng pekeng IDs. Ang kapalit, ang na-recruit na indibidwal ay tatanggap ng P1,500 sa pagiging accomplice.

Sinabi ni Ocampo, na ang grupo ay nakapag-encash na ng P120,000 sa kanilang illegal operations.

Ayon sa isa sa naarestong suspek na si Felicidad Bulilan, hinikayat siyang sumali ng grupo sapagkat madali ang kumita rito na aniya ipamabibili niya ng kanyang gamot.

“Sandali lang, magkakaroon kami ng pera na P1,500. (Sabi nila) sige, walang sabit ‘to, kami bahala sa inyo,” kuwento nito.

Sinabi naman ng isa pa sa mga suspek, na sinabihan siya na walang namang kukuha ng pera kaya imbes masayang ay sila na ang makinabang

Sinabi naman ng CIDG na magkakasa pa sila ng malalimang imbestigasyon dahil may mas malaking grupo ang nasa likod ng naturang operasyon.

Nitong nakaraang Enero 2011, iniutos ng US District Court ng Hawaii ang distribusyon ng $7.5 milyon sa mga biktima ng human rights violations sa ilalim ng liderato ng diktador na si Ferdinand Marcos.

Mahigit 7,500 claimants ang lehitimong tatanggap ng kompensasyon.

Sinimulan ng Commission on Human Rights ang pagbibigay ng $1,000 compensation nitong Marso 2011.

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply