90 pasaway na bus sa EDSA hinatak ng MMDA

MAHIGIT sa 90-pasaway na pampasaherong bus ang hinuli at hinatak ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) dahil sa patuloy na pagbiyahe sa kahabaan ng EDSA sa kabila ng pagpapalabas ng suspension order sa kanila ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB).

Ayon kay MMDA Chairman Francis Tolentino, ipagpapatuloy nila ang panghuhuli at pagpapa-impound sa mga suspendidong prangkisa, lalo na sa mga kinansela na hangga’t walang naipakikitang pruweba na nakaapela ang kautusan sa Department of Transportation and Communication (DOTC).

Sa pahayag naman ni MMDA Traffic Czar Yves Gonzales, ang isinagawa nilang paghatak at pagpapa-impound sa mga hinuling bus ang maituturing na pinakamahabang anti-colorum convoy na kanilang dinala sa kanilang impounding area sa Las Piñas City.

Ang ilan namang bus ay isa-isang dinala sa isa pang impounding area sa ULTRA 1 at ULTRA 2 sa Pasig City na naging dahilan upang mapuno na ng bus ang malawak na bakanteng lote.

Sinabi pa ni Gonzales na nag-abono pa sila sa pagbabayad ng toll fee sa Coastal Road nang hatakin sa kanilang impounding area sa Las Piñas ang mga nahuling bus dahil hindi aniya sumama ang mga konduktor nito.

Bagama’t nagpahayag na si LTFRB Chairman Jaime Jacob na puwede pang payagang bumiyahe ang mga kompanya ng bus na pinatawan ng suspensiyon at kanselasyon dahil may karapatan pa silang maghain ng apela sa DOTC, iniutos pa rin ni Tolentino ang panghuhuli sa paniwalang nasa kamay na ng operators ang pagpapakita ng pruweba na mayroon silang nakabimbing petisyon.

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply