Mga abogado ni GMA minaliit ng Palasyo

MINALIIT ng Malakanyang ang bigatin at de-kalibreng mga abogadong kakatawan kay dating Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo.

Tiniyak ni Deputy Presidential spokesperson Abigail Valte na gagawin lahat ng gobyerno partikular na ng Office of the Solicitor General (OSG) para maipanalo ang kaso.

Binigyang diin ng opisyal na hindi sila natatakot sa mga bigating abogado na ipagtatanggol ang dating lider.

Ang mga de-kalibreng abogado na hahawak sa kaso ni Arroyo ay sina Atty. Jose Flaminiano, na siyang lead counsel, Atty. Estelito Mendoza, Atty. Artemio Toquero, Atty. Anacleto Diaz at Atty. Raul Lambino.

Sa ulat, sinabi ni Justice Undersecretary Francisco Baraan, hindi rin basta-basta ang mga panel of prosecutors na hahawak ng kaso para ma-convict ang dating Pangulo.

Anito, wala sa abogado ang labanan kundi nakadependa sa bigat ng mga ebidensya.

Kahit umano napakagaling ang mga abogado, kung sadyang matibay ang mga ebidensya ay hindi sila uubra.

“Kahit anong galing mo kung wala kang ebidensya, wala rin ang galing mo na ‘yan. You are only as good as the evidence that you can present in court, so ang labanan ay wala sa galing ng abogado,” ani Baraan.

Bukas umano sa pamahalaan kung anong pamamaraan ang nanaisin ng pamilya ni dating Pangulo at ngayon ay Pampanga Rep. Gloria Macapagal-Arroyo na nahaharap sa kasong electoral sabotage.

Sa Lunes (Nobyembre 21) ay malalaman sa Pasay City Regional Trial Court branch 112 ang magiging estado ng pag-aresto sa dating Presidente para madeklara kung hospital arrest o kaya nasa ilalim ng house arrest ang Pampanga congresswoman.

Tinuran ni Interior and Local Government Secretary Jesse Robredo na bilang isang dating lider ng bansa, itatrato nila nang nararapat si Gng. Arroyo.

Aniya, hindi nila pipigilin o hahadlangan kung gugustuhin nila ang pamamaraan ng pagkulong – kung house arrest o hospital arrest.

Ginawa ni Robredo ang pahayag upang maiwasan ang nangyari noon kay dating Pangulong Joseph Estrada kung saan nagalit ang kanyang mga supporter dahil sa sistema ng pagtrato.

Nauna rito, nagbigay na rin ng direktiba ang DILG chief sa mga arresting officer na huwag hayaang magkagulo at maging public spectacle ang pag-aresto sa dating Pangulo.

Sinabi ni Robredo na nagkaroon pa ng negosasyon sa panig ng mga Arroyo at mga awtoridad kung saan nakausap niya ang anak ng dating pangulo na si Camarines Sur Rep. Dato Arroyo.

Si Justice Secretary Leila de Lima ay tiniyak na rin na hindi nila haharangin ang hiling na hospital o house arrest.

Una rito, dakong alas-6:30 kagabi (Nob. 18) pormal na naisilbi ang warrant of arrest na inisyu ng Pasay Regional Trial Court Branch 112.

Apat na guwardya mula sa Southern Police District (SPD) ang nagpapalit-palitan na nagbabantay sa St. Luke’s Medical Center sa Taguig City matapos na ilagay sa kanilang kustodiya ang dating Pangulo.

Liban nga kay Mrs. Arroyo, ang iba pang inisyuhan ng warrant of arrest ng korte ay sina dating Maguindanao Gov. Andal Ampatuan, Sr. na ngayon ay nakakulong na sa Camp Bagong Diwa dahil sa kasong may kaugnayan sa Maguindanao massacre at si dating Maguindanao elections supervisor Atty. Lintang Bedol na nakakulong naman sa PNP Custodial Center.

Samantala,  hindi naman kasama sa sulat ng korte ang inirekomendang kasuhan din ng election sabotage na si dating Comelec Chairman Benjamin Abalos, kanyang dating chief of staff na si Jaime Paz at isang Peter Reyes.

Kung maaalala, inabswelto ng Comelec en banc si dating First Gentlman Mike Arroyo at iba pa dahil sa kakulangan ng ebidensiya.

Timeline: Rep. Gloria Arroyo inaresto kahapon (Nobyembre 18)

7:30 a.m. –  Nagsimula ang Comelec en banc para talakayin ang electoral sabotage case ni dating Pangulong Gloria Arroyo at mahigit 30 iba pa.

11:00 a.m. – Sinimulan ng SC ang special en banc session nito na tumatalakay sa motion for reconsideration na inihain ng Solicitor General na humihiling na kanselahin ang TRO.

11:20 a.m. – Inihain ng Commission on Elections sa Pasay RTC ang kasong election sabotage laban sa dating Pangulong Gloria Arroyo.

1:00 p.m. – Inanunsyo ng SC na kinatigan nito ang ipinalabas na TRO sa botong 8-5 at ibinasura naman ang mosyon ng SolGen.

2:00 p.m. – Naghanda ang mga Arroyo para sa biyahe patungong Singapore kung saan alas-5:10 ang na-book na flight.

3:10 p.m. – Inihayag ng DoJ at SolGen na maituturing nang “moot” ang kautusan ng SC na TRO dahil mayroon nang hurisdiksyon sa mga Arroyo ang Pasay City RTC.

4:00 p.m. – Naghain ang DOJ ng kanilang urgent motion sa SC na humihiling na bawiin na ang TRO.

4:20 p.m. – Nagpalabas ng warrant of arrest ang Pasay RTC at sunod-sunod na ang pangyayari na nagpalabas ng kopya ng warrant of arrest at pagsisilbi nito sa tahanan ng mga Arroyo sa La Vista Quezon City at St. Lukes Medical Center.

4:25 p.m. – Nagbigay ng press conference sa Malacañang si Justice Secretary Leila de Lima upang iulat na alam na ng Pangulong Aquino ang development sa kaso. Tiniyak din nito na pabor sila kahit isailalim sa house o hospital arrest ang dating presidente.

4:30 p.m. – Napasakamay ng SPD ang isang kopya ng warrant of arrest na siyang nagsilbi sa ospital.

5:00 p.m. – Inanunsyo ng SC na hindi na maaaring lumabas ng bansa ang mga Arroyo kahit pa may TRO dahil ang temporary restraining order umano ay sumasaklaw lang sa petisyon nito ukol sa legalidad ng ipinalabas na watchlist order habang ang election sabotage case ay hiwalay na kaso. Ipinaliwanag ni SC spokesperson Atty. Midas Marquez na ang Pasay City RTC ang siya nang may hurisdiksyon sa mga Arroyo bagama’t epektibo pa rin ang TRO na ipinalabas ng Kataas-taasang Hukuman.

5:15 p.m. – Patuloy pang nakatanggap ng mga mosyon at pleadings ang RTC branch 112 mula sa abogado ni Rep. Arroyo.

5:30 p.m. – Dumating ang mga tauhan ng Pasay police at NBI sa St. Lukes Medical Center, airport at iba pang destinasyon.

6:30 p.m. – Kinumpirma ng Southern Police District na nasa ilalim na ng kanilang kustodiya si dating Pangulong Gloria Arroyo. Isinailalim si Arroyo sa hospital arrest makaraang isinilbi sa St. Lukes Medical Center ang arrest warrant laban sa kaniya sa kasong electoral sabotage.

loading...

About accounting

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply