Abogado, paslit patay sa nasunog na kotse

NASUNOG nang buhay ang isang abogado at kanyang tatlong taong gulang na anak matapos makulong sa nasusunog nilang kotse kaninang umaga sa Cagayan de Oro, sa ulat ng pulisya nitong Martes.

Base sa ulat, kinilala ang mga biktima na sina Atty. Rey Fabre, at ang anak na si Arvy Fabre, 3, na nakatira sa Barangay Bonbon.

Una rito, ayon sa imbestigasyon ng mga pulis, nag-away ang mag-asawa kaya mainit ang ulo ng abogado na umalis ng bahay kasama ang kanyang anak sakay ng kanilang Mitsubishi Lancer.

Nang makarating sa Barangay Bayabas, nahulog ang isang gulong ng sasakyan sa drainage at pilit itong inaahon ni Fabre hanggang sa uminit ito.

Isang driver ng PUJ na kinilalang si Panfilo Villamor, 47, na taga-Oroquieta City, Misamis Occidental ang lumapit sa biktima at nagtangkang magmalasakit subalit binaril umano ito ni Fabre gamit ang hindi pa masabing kalibre ng armas.

Sa nangyaring insidente ay nagtamo ng sugat sa balikat si Villamor na patuloy pang ginagamot sa Northern Mindanao Medical Center.

Dahil sa sobrang takot sa mga residente na nakasaksi sa nangyari kay Villamor, hindi na nila natulungan pa si Fabre hanggang sa masunog ang kanyang sasakyan kasama ang kanyang anak.

Ayon kay FO2 Dennis Dales, ng Bureau of Fire Protection nagsimula ang sunog sa engine compartment ng kotse dahil nag-overheat ito.

Nagresponde rin sa lugar ang Scene of the Crime Operatives (SOCO) para magsagawa pa ng kaukulang imbestigasyon.

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply