Akusasyong ‘triggerman’ si RJ sa Ramgen slay inalmahan

UMALMA ang kampo ni Ramon Joseph “RJ” Bautista kaugnay sa akusasyon bilang triggerman sa pagpatay sa kapatid na si Ramgen “Ram” Bautista sa Parañaque City.

Sinabi ng Parañaque police na kabilang sa tatlong nakakulong na mga suspek ang bumaril kay Ramgen.

Sa isang panayam kay Atty. Dennis Mansanal, abogado ni RJ, 18, itinanggi nito ang akusasyon na triggerman ang kanyang kliyente.

Aniya, hindi dapat ituring na mastermind at triggerman sa krimen si RJ,  kung pagbabasehan ang naging salaysay ni Janelle Manahan, girlfriend ng napasalang na si Ramgen, 23.

Una nang itinuring ng PNP na case solved na ang Ramgen slay case matapos na magpadala ng surrender feelers ang iba pang suspek na pinaghahanap pa hanggang sa kasalukuyan.

Nabatid na dahil sa kilalang personalidad ang sangkot sa krimen ay laman na rin ito ng mga balita sa Turkey.

Matatandaang nasa Turkey na ngayon ang isa pang suspek na si Maria Ramona ”Mara” Bautista, 22, na kasama na nito ang kanyang Turkish husband.

Kumpiyansa ang Parañaque City Police na magtatagumpay ang prosekusyon upang mabigyan ng hustiya ang pagkamatay ni Ramgen gayundin ang pagkakasugat ng kasintahan nito.

Ayon kay Chief Inspector Enrique Sy,  hepe ng Station Investigation Division at namumuno ng binuong task force  Ramgen na ngayon ay nasa korte na,  naniniwala siyang magkakaroon ng katarungan ang naganap na krimen.

Aniya, matibay ang kanilang pinanghahawakan na ebidensiya laban sa mga salarin at kabilang ang dalawang kapatid ni Ramgen na sina RJ at Ramona Bautista.

Ipinagmalaki pa ni Sy na suportado sila ni PNP Chief Gen. Nicanor Bartolome at NCRPO Chief Director Alan Purisima sa isinasagawang imbestigasyon hinggil sa kaso.

Patuloy pa rin aniyang pinagtagpi-tagpi nila ang mga salaysay ng hawak nilang mga testigo na umaabot na sa 10 katao ang  nakunan ng statement  kabilang ang 2 security guard ng BF Homes;  3 kasambahay ng pamilya Bautista;  driver na si Nilo Coit ;  Ronaldo Ancajas, personal assistant ni Ramgen;  Ruel Puzon;  Lloyd Comeda alyas Lim  at ang GF ni Ramgen na si Janelle Manahan na nagpapagaling pa rin sa Asian Hospital dulot ng mga tinamong saksak at tama ng baril.

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply