Ampatuan utak sa 12-0 win sa ’07 elections

INAMIN ni Ahmad Mamucao na natakot siya kay Governor Datu Andal Ampatuan kaya sinunod ang utos ng huli na kailangang maging 12-0 ang resulta noong 2007 senatorial election sa Maguindanao pabor sa Team Unity noong panahon ni dating pangulo at ngayo’y Congresswoman Gloria Macapagal-Arroyo.

Sa panayam, matapos ang pagdinig ng Blue Ribbon Committee Electoral Reforms and People’s Participation Committee, sa pamumuno ni Senador Aquilino Pimentel III, sinabi ni Mamucao na ang takot lamang niya ay kay “Allah” ngunit aminado siyang malaking tao si Andal, kaya dahil sa takot, sumunod na lamang siya sa utos nito.

Sinabi pa ni Mamucao na sa Malakanyang pa mismo niya narinig nang nagsalita si PGMA na 12-0 ang dapat na resulta kung saan naroon ang may 30 katao na taga-Shariff, Kabunsuan.

Sa naturang pagdinig, humarap si Mamucao, nakatira sa Datu Odin Sinsuat, Maguindanao upang ibunyag ang kanyang nalalaman kaugnay sa dayaan noong 2007 election.

Si Mamucao ay dating naglingkod kay Gov. Ampatuan, noong 2004 – 2005 bilang isang “working consultant and Acting Provincial Information Officer at sa Office of the Provincial Governor.

Ayon kay Mamucao, nangako pa umano sa kanya si Ampatuan na magbibigay ng isang milyong piso bawat alkalde na makakapag-deliver ng 12-0 na resulta ng eleksyon.

Tumulong umano siya sa halalan sa Maguindanao base na rin sa kautusan ni Ampatuan na pangako naman ng huli para kay Ginang Arroyo na 12-0, kung saan ito ang naging resulta ngunit malakas ang protesta ng oposisyon kaya kailangang magtugma ang ballot boxes sa Maguindanao at ang election returns na naisumite sa Comelec, Manila.

Kaugnay nito, itinanggi naman ni resigned Senator Juan Miguel Zubiri na may kinalamaan siya sa manipulasyon sa dayaan para maging 12-0 ang naturang resulta.

Sumugod sa Senado si Zubiri upang linisin ang kanyang pangalan base na rin sa mga naging pahayag ni Mamucao at nilinaw  na wala siyang pinsan na nagngangalang Alex.

Sa mosyon ni Senador Panfilo “Ping” Lacson, kaagad na binigyan ng security si Mamucao para sa kanyang kaligtasan.

Nakatakda ang susunod na pagdinig sa Disyembre.

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply