Ang takot ng isang abogado

MUNTIK na raw magpakamatay si Senadora Miriam Defensor-Santiago sa pamamagitan ng paglaslas ng kanyang pulso nang mabalitaan ang ginawa ni Department of Justice (DOJ) Secretary Leila de Lima na kontrahin ang utos ng Korte Suprema.

Pero ito ay dahil gusto lang ng magaling na Senador na ma-emphasize ang kanyang punto at maidiin ang kanyang mensahe. Bilang abogado, alam ko ang ibig ipahatid at ipaliwanag ni Miriam.

Bilang abogado, hindi rin ako pabor sa ginawa ng favorite teacher ko sa law school, ang hinahangaan kong si Secretary Leila de Lima.

Bilang isa sa mga naging estudyante nya, alam kong alam nya kung ano ang tama tungkol sa isyung ito sa batas at iba sa itinuro nya sa amin ang ipinakikita nya ngayon.

Alam ko rin, at alam ko na alam nating lahat na ang problema sa isyung ito ay dahil si Gloria Arroyo ang tumatayong halimbawa sa nangyayaring ito na paglabag sa batas.

At isang simpleng indibidwal na karapatan ng isang tao ang pinag-uusapan natin dito, ang karapatang bumiyahe o the right to travel na ipinaglalaban ng mag-asawang Arroyo.

Ang tanong ngayon, paano kung ikaw si Gloria Arroyo at asawa mo si Mike. Gusto mong bumiyahe para magpagamot sa ibang bansa at ayaw kang payagan ng DOJ. Walang kaso laban sayo, at karapatan mong umalis ng Pilipinas kung kailan mo gusto at kung saan mo gustong pumunta.

Ang kaso si Gloria Arroyo nga ang example at nagiging komplikado ang isyu dahil ang gusto ng bayan ay hindi makaalis si Gloria at si Mike para makasuhan sila at makulong sa mga sinasabing kasalanan nila sa bayan.

Pero isang tao lang si Gloria, isang tao lang si Mike.

Kapag nilabag ng pamahalaan ang batas para sa kanila ay pwede na rin itong malabag para kahit kanino. Ito ang takot ng mga abogado, ito ang takot ni Miriam Santiago, ito ang takot ko. Napapahamak ang hustisya sa bayan sa ipinakikitang walang pangingiming paglabag sa utos ng Kataas-taasang Hukuman.

Hindi natin pwedeng tanggalan ng kredibilidad ang Korte Suprema sa pamamagitan ng tahasang pagkontra dito ng ating gobyerno.

Delikado ito at isang masamang pangitain para sa isang demokrasya.

Mag text po kayo sa akin sa 09209280847 o email sa: ariel.inton@gmail.com. Mahalaga sa akin na malaman ang inyong saloobin at opinyon tungkol sa isyung ito.

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply