Ano ba talaga ang problema?

NALUNGKOT ako nang malaman ko na hindi naabot ng Pilipinas ang target natin sana na 70 gintong medalya ayon na rin sa prediction ng Philippine Sports Commission. Ayon sa balita, 36 gold medals ang naitala ng mga Pinoy.

Personal ang kalungkutan na nararamdaman ko ukol dito dahil mataas talaga ang paghanga at tiwala ko sa mga atletang Filipino. Hindi naaalis ang paniniwala ko na mas mataas ang kayang maabot ng mga Filipinong manlalaro sa kahit anong larangan dito.

Sikat tayo sa buong mundo dahil sa boxing, nakilala tayo sa buong Asya dahil sa chess at sa bowling. May tennis player na Filipino na lumalaban sa mga katulad nina Agassi at Sampras at iba pa. Nakita ko kung gaano ibuhos ng atletang Filipino ang kanilang pawis, dugo at buong buhay halos para makamit ang mga medalyang ibig nilang iuwi para sa mahal na bayan.

Hindi sila ang nagkukulang. Sino? Maraming tanong ngayon sa mundo ng sports sa bansa. Saan nagkukulang ang Pilipinas?

Ano pa ang dapat nating gawin para mas lumutang ang galing ng Pinoy sa larangan ng palakasan?

Noong isang araw, may lumabas na komentaryo sa isang pahayagan na tinatanong ang kakayahan ng mga lider ng mga ahensya ng gobyerno na naatasang mangalaga sa ating mga atleta. Ang sabi sa artikulo, ang 26th SEAG daw ang isa sa pinakamababang performance ng Pilipinas.

Kailan lang ay sumambulat sa mga pahayagan ang mga iringan sa sports commission. Tinatanong tuloy sa komentaryo kung naka-apekto ba ang awayan sa mga sports agency ng gobyerno sa pangit na turn-out natin sa SEAG. Pero paulit-ulit kong sasabihin, mataas ang pag-asa natin sa larangan ng palakasan.

Magagaling ang mga atletang Filipino at ibang klase ang dedikasyon ng Pinoy sa kanilang larangan at handa silang ibigay ang lahat para lang maiwagayway ang ating bandila sa mga sports arena sa buong mundo.

Maging matapang tayong magtanong sa ating sports commission – ano ba talaga ang problema? Maraming mga suhestyon noon pa – isa na ang pagpapa-angat sa mga sports program ng bansa at sa mga lider ng gobyerno na mas may kakayahan na ipatupad ang pagbabago.

Mag-text po kayo sa akin sa 09209280847 o mag-email sa: ariel.inton@gmail.com. Mahalaga sa akin na malaman ang inyong saloobin at opinyon tungkol sa isyung ito.

loading...

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply