Arsobispo: ‘Diwa ng Pasko, wala sa magarbong palamuti at mga ilaw’

KASUNOD nang pagsisimula ng mga Filipino na maglagay ng naggagandahang palamuti sa kani-kanilang mga tahanan bilang paghahanda sa pagsapit ng Pasko sa Disyembre, nagpa-alala naman ang isang arsobispo ng Simbahang Katolika na hindi makikita sa magarbong handa at mga palamuti ang tunay na diwa ng pagdiriwang ng Pasko.

Ayon kay Lingayen-Dagupan Archbishop Emeritus Oscar Cruz, balewala lamang ang lahat ng naggagandahang palamuti at mga pailaw, gayundin ang mga magarbong handa sa Pasko kung hindi naman pinapahalagahan ng mga tao ang paggunita sa pagiging tao ni Hesukristo na siyang tunay na diwa ng naturang mahalagang okasyon.

Ipinaliwanag ni Cruz, dating pangulo ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP), na walang halaga ang paghahanda ng magagarbong ilaw at mga palamuti sa paligid kung hindi naman isinasabuhay ang pagiging mabuting Kristiyano tulad ng naging buhay ni Hesus sa kanyang pagsilang sa lupa.

Iginiit pa ng arsobispo na bahagi lamang ng ‘konsumerismo’ at ‘materyalismo’ ang pisikal na paghahanda tuwing kapaskuhan.

Aniya, ang dapat at mas kailangang gawin ng mga Pinoy ay ang ispiritwal na preparasyon para sa Pasko.

“Ang Pasko ay hindi kinakailangang gastusan at hindi kailangan ng palamuti na kaliwa’t kanan, negosyo lang yan, yang mga imported na kung anu-ano at magagandang ilaw,” ani Cruz, sa panayam ng church-run Radio Veritas.

“Ang Pasko ay isang pag-aalala o pagsariwa ng ipanganak si Kristo at siya ay anak ng Diyos na naging tao ay yan po ay malaking misteryo,” dagdag-paliwanag pa ng arsobispo.

Binigyang-diin ni Cruz na ang mahalaga ay ipagdiwang ang dakilang sakripisyo ng Diyos na maging tao na magkaroon ng buhay at kamatayan dahil sa pag-ibig Niya sa tao.

“Hindi yan nakukuha sa mga kutitap na mga bumbilya, tama na yung tahimik tayo sa selebrasyon at sang-ayon sa katotohahan,” pagtatapos pa ni Cruz.

loading...

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply