Arsobispo kay PNoy: Igalang ang TRO ng SC

NANINDIGAN ang ilang lider ng Simbahang Katolika na dapat igalang ng pamahalaang Aquino ang naging desisyon ng Korte Suprema na nagpapahintulot kay dating Pangulo at ngayon ay Pampanga Rep. Gloria Macapagal-Arroyo na makapagpagamot sa ibang bansa.

Dapat rin umanong i-cite for contempt ng Korte Suprema si Justice Secretary Leila de Lima matapos na suwayin ang kautusan nito.

Nauna rito, binalewala ng Malakanyang at Department of Justice (DOJ) ang kautusan ng Supreme Court (SC) nang harangin sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) at hindi payagang makabiyahe sina dating Pangulong Arroyo at dating first gentleman Mike Arroyo, sa kabila ng temporary restraining order (TRO) na ipinalabas ng Kataas-taasang Hukuman.

Ayon kay Cagayan de Oro Archbishop Antonio Ledesma, bilang mamamayan ng bansa ay obligado ang bawat isa na sundin kung ano ang itinatakda ng Saligang Batas.

Sinabi ng Arsobispo na may sinusunod na proseso ang bawat mamamayan lalo na sa usapin ng katarungan at ang desisyon ng SC sa kaso ni Ginang Arroyo ay dapat lamang sundin at pahalagahan ng pamahalaan na siyang dapat nagpapatupad ng batas.

“Well dapat lamang natin sundin ang proseso natin dito sa bansa. Kung yun ang sinasabi ng Supreme Court ay we have to vow to that also,” ayon kay Ledesma, sa panayam ng church-run Radyo Veritas.

Samantala, binigyang-diin ni Father Ranhillo Aquino, dean ng Graduate School of Law ng San Beda College, na nakakahiya para sa isang abogado ang ginawang pagbalewala ni De Lima sa TRO ng Korte Suprema.

Ayon kay Aquino, ang TRO ang tanging armas ng isang mahinang mamamayan para makalaban ng patas sa pangil ng batas kaya hindi mabuti na mismong ang kalihim ng DOJ ang sumusuway sa batas.

Iginiit pa ni Aquino na ang isang TRO ng Supreme Court ay “immediately executory” o dapat na ipatupad kaagad-agad.

“Ang TRO is immediately executory.  So Leila De Lima’s excuse that she has filed a motion for reconsideration is patently lame, kasi maliwanag yung TRO ng Supreme Court,” wika niya.

Umaasa si Aquino na isa-cite for contempt ng Korte Suprema ang Justice secretary at sampahan ng isang concerned citizen ng disbarment case ang kalihim dahil sa hindi pagsunod sa itinatadhana ng batas.

Ipinaliwanag pa ni Aquino na ang ginagawang panggigipit ni DeLima sa dating Pangulo ay wala sa kanyang hurisdiksiyon at maituturing na pang-aabuso sa kapangyarihan.

loading...

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply