Bagong online gaming casino kinondena

KINONDENA ng mga lider ng simbahang katolika ang pagbubukas ng panibagong “online gaming casino” sa Fontana Leisure Park, sa Clark, Pampanga dahil makasisira aniya sa moral ng mga Pinoy at maging sa imahe ng lalawigan.

Ayon kay Lingayen-Dagupan Archbishop Emeritus Oscar Cruz, nakalulungkot na sa halip na mabawasan ay lalo pang nadagdagan ang mga casino sa bansa na tuwirang sumisira sa moral fiber ng mga Pinoy.

Sinabi ng arsobispo  na nagbubunga ng katamaran ang sugal dahil sa “mentality of chance”.

Naniniwala rin si Cruz na malaking eskandalo sa bansa na ang gobyerno pa mismo ang numero unong sugarol.

“Alam mo pinakamalaking iskanadalo sa ating bansa ay ang gobyerno na siyang pinakamalaking sugarol. Ang lahat ng sugal ke legal o illegal ay magkapareho dahil una hindi sipag ang itinuturo kundi suwerte, kundi buenas.  Ikalawa, hindi ka magtatrabaho baka suwertehin ka na at ikatlo, ‘yan ang sumisira sa moral fiber ng mga Filipino, ang sugal ay hindi puwedeng ipagmalaki dahil bisyo yan,” ayon kay Cruz.

Ani Cruz, malaking hamon sa mga taga-Pampanga na labanan ang bagong casino dahil makakasira sa imahe ng lalawigan.

Samantala, ayon naman kay Manila Auxiliary Bishop Broderick Pabillo, chairman ng National Secretariat for Social Action Justice and Peace ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP), tuwirang makakasira sa moralidad ng mga Pinoy ang patuloy na paglaganap ng operasyon ng illegal gambling at mga casino sa bansa.

Sinabi ni Pabillo na wala sa suwerte o tiyansa ang pag-unlad ng tao dahil ito ay mag-uugat sa pagsisikap sa buhay.

Giit niya, hindi dapat isinusulong ng gobyerno ang pagbibisyo o pagsusugal dahil hindi ito makabubuti sa kapakanan ng lahat at kailangan itong ipatigil o alisin ng pamahalaan.

Nananawagan rin ang Obispo sa mga mamamayan na huwag tangkilikin ang “culture of chance.

Sa halip, dapat aniyang magsumikap ang mga Pinoy na maghanap ng ikabubuhay para sa dignidad ng pamilya.

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply