Bagong taxiway sa NAIA sisimulan sa Pebrero 2012

SISIMULAN sa Pebrero ng susunod na taon ang konstruksyon ng tinatawag na “rapid-exit taxiway” sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) sa Pasay City, sinabi ni Transportation Secretary Manuel Roxas ngayon.

Kapag natapos umano ang karagdagang daan para sa mga eroplano ay maaari nang ma-accommodate ng nasabing paliparan ang mas maraming domestic at international flight.

Sinabi ng kalihim ng Department of Transportation and Communications (DOTC) na malaking tulong umano ang isang-kilometrong taxiway upang mas maraming manlilipad ang makabiyahe nang mas mabilis at mas ligtas.

Inaasahang matatapos sa Pebrero 2013 ang proyekto, na magkakahalaga ng P300 milyon.

Ang rapid-exit taxiways ay pinupuntahan ng kalalapag na eroplano upang makaalis agad ito sa runway kahit hindi pa gaanong mabagal ang takbo nito.

Dahil sa libre na ang runway, maaari nang magamit ito ng isa pang eroplanong paalis na sa paliparan. Sa ganitong paraan ay nagiging mas mabilis at hindi nadi-delay ang iskedyul ng paglipad ng mga sasakyang panghangin.

Sa ngayon ay may 36 na paglapag o paglipad lamang ang maaaring isagawa sa mga runway ng NAIA.

“Each event requires at least one minute and 40 seconds to exit the runway for clearance,” ayon kay Roxas. “With the construction of the additional rapid-exit taxiway, we can reach 60 events per hour.”

Ito ay dahil umano sa magiging isang minuto na lamang ang itatagal ng buong proseso ng isang paglapag o paglipad kapag mayroon nang bagong rapid-exit taxiway.

Ayon kay Roxas, ito ang solusyon sa mga flight delay kaya’t mababawasan ang karaniwang reklamo ng mga mananakay na hindi nasusunod ang mga iskedyul ng paglipad ng eroplano.

“This is one of the long-term solutions of the DOTC to the perennial problem of congestion at the NAIS,” anito.

Ngunit hindi umano ito agad-agad.

“It will take at least a year to construct because construction can only be done three hours a day, from 2 to 5 a.m. when the runway is not being used,” paliwanag ni Roxas.

Bukod sa rapid-exit taxiway, una nang ipinahayag ni Roxas na lalagyan ng mga pinakabagong teknolohiya ang mga paliparan sa probinsya upang makapag-operate ito kahit sa gabi.

Maglalagay umano sa mga ito ng night-vision equipment sa susunod na taon.

Sa pamamagitan ng night vision equipment, maaaring makalapag o makalipad ang mga eroplano sa mga nasabing paliparan kahit may fog o madilim.

Sa ngayon, napipilitan ang mga may-ari ng airlines na isiksik sa araw ang mga biyahe ng kanilang mga eroplano upang umiwas sa delikadong paglapag o paglipad sa dilim.

Dahil dito ay masyadong marami ang mga biyahe sa araw, na ikinasisikip ng NAIA.

loading...

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply