Bagsak ang ekonomiya pero may bonus, bakit?

BIBIGYAN ng gobyerno ang lahat ng pambansang empleyado ng Christmas bonus  na P10,000 bawat isa.

Walang hindi matutuwa rito na mga teacher, sundalo, pulis, doktor, nars at mga empleyado ng Senado, Kamara, Palasyo at iba pang mga opisina ng pambansang pamahalaan.

Mula opisyal hanggang sa maliit na empleyado ay magkakaroon nito.

Ito ang ating pag-unawa.

At napakasusuwerte nila  mga Bro.

KAIBA SA NAKARAAN NA PATAKARAN

First time umano na mangyari ito dahil babalikatin ng pambansang pamahalaan ang buong bonus.

Dati-rati kasi, kalahati lang ang manggagaling sa Malakanyang.

Ang kalahati ay galing sa savings o natipid ng mga sangay ng pamahalaan.

Kaya naman, nagkaka-loko-loko ang pagbibigay ng bonus na ito lalo na sa mga sangay ng pamahalaan na walang natitirang pondo.

Kahit tanungin niyo pa lalo na ang mga sundalo, pulis at teacher.

Paiyakan ang pagbibigay ng kalahati sa bonus.

Marami ang may savings pero sa dami ng mga pasalubong at pabaon sa mga tarantadong korap na opisyal, nauubos ang pondo para sa mga maliliit.

Paano ang mga lokal na empleyado?

Dahil sa ginawang ito ng pambansang pamahalaan, tiyak na maghahanap din ang mga lokal na empleyado.

‘Yun bang === mga nasa pamahalaang panlalawigan, munisipyo at barangay.

Ano nga ang gagawin ng pamahalaan, mga gobernador, mayor at kapitan?

Siyempre pa, may malalaking bonus sa parte ng mga nasa mayayamang lugar gaya ng lungsod ni Vice President Jojo Binay.

Pero paano ang Class C, D at E na mga lalawigan, munisipyo at barangay?

Eh pare-pareho namang naglilingkod lahat ng mga ito sa pamahalaan?

O baka naman makatatanggap din sila.

Malalaman natin ito sa mga susunod na araw, mga Bro.

SOME ARE MORE EQUAL THAN OTHERS

Lumalabas na umiiral ang dati nang kalakaran noong panahon pa na ang sangkot ay mga kurakot.

‘Yun bang === pag-iral ng kasabihang “Some are more equal than others.”

May mga magkakapantay-pantay. Pero hindi talaga magkakapantay ang lahat ng mga opisyal at empleyado ng pamahalaan.

Pero ang talagang tinutumbok sa kasabihan ay ang paghahati-hati ng mga yaman na itinuturing noon na mga nakaw na yaman.

Naroon ang diperensiya… ang pagkakaiba ng mga magkakapantay at hindi magkakapantay.

Mas malalaki ang kita ng mga mas malalaking magnanakaw kaysa maliliit na mga magnanakaw.

‘Yung hindi magnanakaw, walang kapantay.

He-he-he!

SAPILITAN TAYONG MAGTATANONG

Habang nagpipiyesta ang mga makatatanggap ng napakalalaking bonus mula sa pambansang pamahalaan, may nagtatanong na ba kung bakit sila bibigyan?

‘Yung marami, hindi na magtatanong, mga Bro.

Pero yung iba, tiyak na magtatanong. At tayo na hindi makatatanggap, higit tayong magtatanong.

Bakit nga ba ganun na lang ang ibibigay na bonus sa mga pambansang empleyado.

HINDI BA BANGKRAP ANG PAMAHALAAN?

Hindi ba bangkrap ang pamahalaan?

Tinatanong natin ito dahil nasa P300 bilyon ang kakulangan ng badyet o depisit ng pambansang pamahalaan para sa taong ito.

At kung may pera man ito na kumpleto para sa buong 2011, galing ang pera sa utang sa loob at labas ng bansa.

Sa kalagayang ito, bakit nga ba magbibigay ang pamahalaan ng malaking bonus kung bangkrap naman pala ito?

…Kung wala itong sobra-sobrang pera para masabing mayroon ngang maibibigay sa mga empleyado?

EKONOMIYA BAGSAK

Bigyan natin ng kasagutan ang sarili nating tanong kung bakit magbibigay ng malalaking bonus ang gobyerno sa mahigit isang milyon nitong mga tauhan.

Gusto ng gobyerno na gagalaw at magmukhang lumalago ang ekonomiya habang bagsak ito.
Sinasabing bumulusok mula sa 7.3% noong  2010 ang pag-unlad ng bansa sa 3.2% lamang ngayong taon.

Noong 2010, may pera ang mga tao dahil sa eleksyon at nagkaroon ng panggastos ang mamamayan.

Sa pamamagitan ng bonus, magkakaroon naman ang mga empleyado ng gobyerno ng panggastos.

Kung umarangkada ang ekonomiya dahil sa pera sa pulitika noon, inaasahang aarangkada rin ang ekonomiya sa pamamagitan ng bonus ngayon.

MAGKAIBA ANG 2011 AT 2010

Noong panahon ng halalan, halos lahat ng nasa 50 milyong botante ay nagkapera.

Kahit ang mga hindi botante.

Pero ngayong 2011, tanging ang mga empleyado lang ng pamahalaan ang magkakapera.

Kung ganun, kung napalago ng mga botante ang pambansang ekonomiya noong 2010, mapalalago ba ng mahigit isang milyon lang na empleyado at opisyal ng pamahalaan ang ekonomiya ngayong taon?

BIYAYA GALING SA MARAMI

Maghanda-handa na sina PNoy sa mura ng mamamayan sa usaping ito.

Sa dami ng mga nagugutom at naghihirap dahil sa expanded value added tax na pagkukunan ng bonus, bakit nga naman iilan lang ang makikinabang nang lubos.

oOo

Anomang reklamo o puna ay maaaring iparating sa programang Power Point ng RHTV o DZRH 666khz AM tuwing Sabado 3 to 4 PM o i-text sa 09214303333.

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply