Bahay-bahayan, kaso-kasuhan

NOONG unang beses kong narinig ang description na “Student Body Presidency”, medyo nairita ako sa nagsabi nito.

Hindi dahil kampi ako kay Pangulong Aquino kundi katatapos lang ng eleksyon noon at para sa akin, ang pinili ng taum-bayan ay dapat irespeto.

Fast-forward tayo mga ‘dre to 500 plus days matapos na umupong Pangulo si Noynoy at eto ang siste, walang regular cabinet meeting, walang regular cabinet cluster meetings, walang regular na briefing sa mga tauhan niya tungkol sa kanilang plano para sa bayan, at lalong walang regular na press briefing tungkol sa nagaganap sa bansa.

Lahat ng nasasagap natin ay pawang galing sa media na galing sa mga alipores ng ating magaling na pinuno na mas mada-las sa hindi ay palpak, mali o bawal sa saligang batas.

Ano ang posisyon ni Aquino sa mga kasong inilatag laban kay ngayon ay Congresswoman Gloria Arroyo?

Ito ba ay iniutos niya o gawa-gawa lamang ng kanyang mga alaga?

Pero ang panlasa ng Free Spits ay sinasadya ng Pangulo at ng kanyang mga adviser ang ganitong sistema.

Kailangang walang imik ang Pangulo sa kaguluhang ito para hindi sumabit at masira ang kanyang popularity rating.

Ang tawag ng mga international political analysts sa taktikang ito ay “Plausible Deniability” na sa Wikipedia ay sinasabing “the denial of blame in (formal or informal) chains of command, where upper rungs quarantine the blame to the lower rungs, and the lower rungs are often inaccessible, meaning confirming responsibility for the action is nearly impossible.”

Sa madaling salita “less talk, less mistake.”

Pababayaan nilang gawin ng mga mabababang opisyal ang mga kalokohan, tapos bahala na kung makalulusot o hindi, basta ang importante, hindi sa Malakanyang babagsak ang putok ng bulkan.

Kaya lang, nasaan ang responsibilidad at pananagutan ng Pangulo sa ganitong taktika?

Lagi na lang bang ganito, pag palpak, sisisihin yung nasa baba pero bibigyan ng proteksiyon, samantala “hit and run” yung pamamalakad.

Importante ang kaso ni GMA dito sa usaping ito, dahil kapag itinapon na naman ng korte ang kaso, aawayin na naman nila ang korte at pagagalitan ang mga alipores sa mahinang kasong isinampa.

Kung kaaway ninyo ang Korte Suprema, magbigay ka, Pangulong Noynoy ng posisyon, at pagkatapos utusan mo ang mga tauhan mo na bumuo ng isang matibay at malakas na kaso para makulong si Gloria Arroyo at mga tuta niya.

Hindi uubra yung limang taon pa kaming magtitiis ng atras-abanteng istilo ng pamumuno ninyo.

‘Yung istilong bahay-bahayan na kapag takip-silim ay ayawan muna, bukas ulit na iba ang script.

Hindi puwede yung kaso-kasuhan para may press release na itatapon naman ng korte.

Kailangan ng bansa ng direksiyon.

Ayos na yung “Tuwid na Daan” bilang slogan, ngayon bigyan naman natin ng aksiyon yung slogan.

Lagyan ng laman ang salita.

Sabi nga ng mga Kano “put your money where your mouth is!!!”

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply