Baka hindi uubra si Pacman kay Mayweather

NGAYON pa lang ay alam na nating magngangangakngak si Floyd Mayweather Jr. na tiyak na hindi uubra si idol Cong. Manny “Pacman” Pacquiao sa kanya.

MALINAW NA RASON

Magka-level lang sina Pacman at Juan Manuel “El Dinamita” Marquez.Kung natalo si Marquez sa kanya, tiyak ding matatalo si Pacman.

Kung pinaglaruan lamang ni Mayweather si Marquez noon, maaaring paglalaruan lamang din nito si Pacquiao.

BURADO SINA CLOTTEY ET.  AL

Maaaring gawing hindi batayan ang labanang Joshua Clottey at Antonio Margarito versus Manny Pacquiao ng posibleng labanan ng huli at ni Mayweather.

Ito’y dahil tinalo rin ni Mayweather sina Clottey at Margarito.

Bumigay ang dalawang ito at sumaludo sila kay Pacman makaraan silang matalo.

Parang ang pagkatalo nila ay mas matindi kaysa pagkatalo nila kay Mayweather.

Kaya naman mas sumaludo sila kay Pacman kaysa kay Mayweather.

HE’S RUN OUT OF GAS

Lalong burado sa listahan ng mga rason ni Mayweather ang labanang Pacman at Shane Mosley dahil matanda na ang huli ng labanan ang una.

Parang gusto lang ni Mosley na magkaroon ng retirement pay. He-he-he!

Sabi noon ni Mayweather, natuyuan na ng diesel o gas o hangin si Mosley nang labanan nito si Pacman.

Damatan na si Mosley at ang ibig sabihin ng salita ni Mayweather na “he’s run out of gas”, eh, parang kalabaw nang tumanda ito.

KALABAW LANG ANG TUMATANDA

Sa kantiyaw ni Mayweather ngayon, parang sinasabi nitong “kalabaw lang ang tumatanda.”

At maaaring harapin na niya si Pacman?

Hindi na kaya manghihingi ito ng P100 milyon para labanan si Pacman?

Makaraan kasi ng maraming rason para  makaiwas si Mayweather sa laban kay Pacman, umuusok na naman ang kantiyaw nito.

SISIW SI PACMAN KAY FLOYD

Parang ang tingin ngayon ni Mayweather kay Pacman ay sisiw lang o bulate kaya.

At siya’y isang agila o anaconda na pupuwedeng lumamon kay Pacquiao.

Ito’y dahil na rin nga sa pinakahuling Pacman vs El Dinamita.

Hindi napatumba ni Pacman si Marquez at hindi na rin naulit ang mga pagpapayanig ng una sa huli na nakita sa naunang dalawang laban nito. TATANDA RIN YAN

Dito naman natin naalaala si Pacman na nagsabing tatanda rin si Mayweather.

At habang iwas nang iwas ito sa pagdaan ng panahon, patanda naman ng patanda ito.

At siya naman umano ay bata pa.

Sakaling magkaroon silang dalawa ng laban sa mga darating na buwan o taon, ano naman kaya ang hahantungan ng laban.

FLOYD HAS RUN OUT OF GAS

Ang ibig bang sabihin ni Pacman na “tatanda rin yan” at bata pa ako sa mga panahong yan ay “Floyd’s run out gas?”

At lalabanan na nito si Floyd kung sakaling manghamon na ito?

Ewan natin.

Basta ang naririnig natin ay gustong namnamin muna ni Pacman ang panalo niya kay Marquez.

Ipauubaya niya ang bukas sa promoter at handa siyang lumaban muli kung saka-sakali.

PACQUIAO FOR PRESIDENT

Nakita ko mismo ang plakard sa MGM Las Vegas na Manny Pacquiao for President in 2016.

Dapat sigurong hindi muna pansinin ni Pacman ang masyadong abanteng pamumulitika na ito.

Nauna nang umusok ang pahayag na ito noon. Pero disqualified pa si Pacman.

Sa Senado lang ay hindi pa siya uubra sa edad dahil 35-anyos ang pinakamababang edad para sa senador.

Lalo siyang hindi uubra sa pagiging Pangulo dahil 40- anyos ang minimum age para rito.

Eh 31-32 pa lang siya ngayon. Marami pang bigas ang kakainin nito bago siya maging senador at pangulo.

‘Yan ay kung hindi siya malalaos habang nagtatagal siya sa pulitika.

MAG-GOBERNADOR MUNA DAPAT

Tama lang siguro na mag-governor muna siya sa 2013 at magkaroon ng dalawang termino para makabuo siya ng anim na taon.

Diyan na siya pupuwedeng pumasok sa Senatorial na labanan.

Kung mananalo siya bilang senador, diyan na rin siya maghanda na maging kandidato para sa pagka-Pangulo.

PACMAN VS LEON GUERRERO

Sa Senado makikita ang kalibre ng isang kandidatong Pangulo.

Unsolicited advice natin kay Pacman kapag nakatuntong siya sa Senado, huwag maging Leon Guerrero.

Itong si alyas Leon na si Lito Lapid ay wala palang binatbat pagdating sa debate sa Senado.

Hindi dapat na ganito rin ang mangyari kay Pacman.

MALAKAS ANG LOOB

Pero itong si Pacman ay iba talaga kay Leon Guerrero. Malakas ang loob nito.

Tingnan ninyo, sinusubukan nitong makatapos ng kolehiyo. At walang rason para hindi s’ya tumapos ng kolehiyo.

Dapat tandaan na sa karanasan, ang pagkakaroon ng sapat na edukasyon ay malaki ang maitutulong para sa pagtitimon ng buong bansa.

Kung wala ka nito, kalimutan mo na ang anomang ambisyon na maging Pangulo ng mahal kong Pinas.

oOo

Anomang reklamo o puna ay maaaring iparating sa programang Power Point ng RHTV o DZRH 666khz AM tuwing Sabado 3 to 4 PM, www.remate.ph o i-text sa 09214303333.

loading...

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply