Bakit holiday ngayon?

BAKIT holiday ang November 30? Natuwa naman ako dahil wala pa akong natanong na hindi naman nakasagot ng tama. May ibang mali ang sagot pero hindi na masama dahil imbes na birthday ni Andres Bonifacio ang sagot, ang sagot ng ilan ay anibersaryo ng kamatayan ni Bonifacio.

Sabi ng iba National Heroes Day daw. Para kasing naghalo na ang dalawang petsang ito: November 30 birthday ni Bonifacio samantalang August naman ang Araw ng mga Bayani na si Bonifacio din ang punong abala dahil siya ang Ama ng Katipunan.

Ano na nga ba ang ibig sabihin ng pagiging bayani sa panahon ngayon na sobra na ang hirap ng buhay. Noon walang kaduda-duda ang ibig sabihin ng bayani – ang mag-alay ng buhay sa kapakanan ng bayan. Kung hindi man sa bayan ay sa ibang tao maliban sa sarili mo.

Kaya nga bayani dapat ang mga magulang dahil ibubuhos nila ang lahat para sa kagalingan ng kanilang mga anak. At kaya bagong bayani ang tawag sa mga Overseas Filipino Worker dahil sa sakripisyo nila at sa kanilang pagtitiis para makatulong sa pamilya at bansa.

Sabi ng iba hindi na uso ang maging bayani. Sang-ayon kayo? Pero nawawala ba sa uso ang manindigan sa tama, ang mag-alay ng buhay sa isang minamahal, ang mamatay para sa kapakanan ng bayan? Sasabihin siguro ng ilan – ako muna bago ang iba. Kumakalam ang tiyan ko, bakit ko kayo uunahin, mahirap din ako bakit ako tutulong, wala rin ako bakit ako magbibigay?

Kaya ipinagdiriwang natin ang buhay at kamatayan ng ating mga bayani para may sagot tayo sa mga ganitong tanong. Si Rizal humantong sa bagumbayan dahil sa pagnanais na maturuan ang mga Filipino. Si Andres Bonifacio, sumuong sa panganib para maisalarawan ang ibig sabihin ng paninindigan sa prinsipyo para sa bayan. Si Ninoy umuwi ng Pilipinas kahit may banta ang buhay para ipamukha sa diktadura na hindi dapat inaapi at inaabuso ang mga Filipino.

Isipin na lang kung hindi dumaan sa buhay natin ang mga tulad nila. Isipin na lang kung hindi naimbento ang konsepto ng kabayanihan at wala ang mg bayani. Ano kayang klaseng lahi meron tayo?

Mag text po kayo sa akin sa 09209280847 o mag-email sa ariel.inton@gmail.com. Mahalaga sa akin na malaman ang inyong saloobin at opinyon tungkol sa isyung ito.

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply