Bases conversion ibinasura ng Defense

IBINASURA ng Department of National Defense (DND) ang panukalang military conversion ng Fernando Air Base sa Lipa, Batangas.

Ipinahayag ito ni DND Undersecretary Pio Lorenzo Batino sa House Special Committee on Bases Conversion na pinamumunuan ni Rep.Manuel Agyao (Lone District, Kalinga) kaugnay sa inihaing House Bill 4176.

Sinabi ni Batino na posibleng makaapekto sa base security, strategic compatibility at kaligtasan ng mga mag-aaral na piloto kung gagamitin sa iba ang Fernando Air Base o maging ang bahagi lang nito.

Dumipensa naman si Batangas Rep. Hermilando Mandanas ukol sa panukalang isama sa military conversion ang San Fernando Air Base dahil ang panukala naman aniya ay naglalayong mapanatili na pag-aari ng AFP ang nabanggit na base at hindi para mailipat sa ilalim ng Bases Conversion and Development Authority (BCDA).

Binigyang diin pa ni Mandanas ang mga kalapit na lugar sa paligid ng base military na ito ay pauunlarin sa pamamagitan ng Public-Private Partnership (PPP) upang agad na maranasan ng mamamayan sa Cavite, Laguna, Batangas, Rizal at Quezon (CALABARZON) ang pag-unlad ng kanilang lugar.

Layunin din ng panukala na gawing dual-use airport ang naturang air base upang magsilbing subsidiary airport ng Ninoy Aquino International Airport sa bahagi ng Timog Katagalugan ng bansa.

Sa pamamagitan din ng panukalang ito ay maaamiyendahan ang RA 7227 o ang Bases Conversion Development Act of 1992.

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply