Basilan massacre probe itinago sa publiko

HINDI pinayagan ng Senate committee on national defense and security na matunghayan ng publiko ang isinasagawang pagdinig hinggil sa tinaguriang Basilan massacre na ikinamatay ng 19 sundalo matapos makipagsagupaan ang militar sa Moro Islamic Liberation Front sa Al Barka, Basilan noong Oktubre 18.

Nitong Martes ng umaga, itinakda ng komite na “closed door hearing” ang isinasagawang pagdinig ng Senado kung saan nakatakdang magpaliwanag ng ilang matataas na opisyal ng Armed Forces of the Philippines (AFP) sa ipinatawag sa imbestigasyon.

Hihingin nina Sen. Panfilo Lacson, chairman ng senate committee on national defense and security, at Antonio Trillanes IV ang paliwanag ng AFP top brass sa naganap na engkuwentro, upang malaman kung ang MILF ang may kasalanan dito o dahil sa “operational lapses” ng AFP.

Gayunman, gagawin ni Trillanes na “executive session” o closed door ang pagtatanong sa military officials tungkol sa Basilan incident ngayong alas-10:00 ng umaga dahil na rin sa kanilang posisyon na hindi pa dapat malaman ng publiko ang iba pang detalye.

“Executive session kasi may mga sensitive issues na ita-tackle so kunin muna namin. Marami kaming pag-uusapan na hindi pa ready na ilabas, mas candid kasi kapag ganun ang discussion,” paliwanag ni Trillanes.

Bukod sa Basilan incident, nasundan pa ang pag-atake ng MILF sa tropa ng gobyerno kung saan pitong sundalo ang napatay sa Zamboanga Sibugay kung kayat nagsagawa ng operasyon ang militar laban sa grupo ni Commander Waning Abdulsalam sa Sitio Talaib, bayan ng Payao.

Matatandaan na nalagay sa balag ng alanganin ang peace talks ng gobyerno sa MILF dahil sa pagkamatay ng 19 sundalo sa kamay ng mga rebelde.

Imbes na isulong ang all-out war, itinulak naman ni Pangulong Benigno Aquino III ang all-out justice laban sa mga renegade member ng MILF subalit hindi naman nahuli si Commander Abdulsalam ng Zamboanga Sibugay at Commander Dan Laksaw Asnawi na siyang responsible sa pagkamatay ng 19 sundalo sa Basilan. Ernie Reyes

About accounting

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply