Batas yumuyuko sa buhay gaya ng ipinakita ng SC

KAPAG buhay na ang nakataya, pati batas yumuyuko, bumibigay.

Napatunayan ito sa pinakahuling desisyon ng Korte Suprema na pagbigyan ang kahilingan  nina  Aling Gloria at Mike Arroyo para sa Temporary Restraining Order laban sa Watchlist  Order ni DOJ Secretary Leila de Lima sa kanila.

Pero sa mga ligal na utak, na-TRO ang Watchlist Order ni De Lima dahil sinisira umano  nito ang prinsipyo ng pagiging inosente ng isang akusado hangga’t hindi ito napatutunayang nagkasala ng hukuman.

E sa kaso ng mga Arroyo, wala pang nakararating sa hukuman na mga kaso at hanggang preliminary investigation pa lamang ang lahat.

TOTOONG MAY SAKIT

Para sa marami, totoong may sakit si Gloria at malala na ay grabe pa.

Kahit sinasabi pa ni DOH Secretary Enrique Ona na gumagaling na ito mula sa operasyon sa buto, sa gulugod.

Isa sa mga pinakahuling nagsalita si Manong Johnny. Sinabi pa nga ni Mang Johnny na baka mamatay si Aling Gloria.

At kung mamamatay ito, patay na rin ang lahat ng isyu laban sa kanya? Tulad ng nangyari sa nag-suicide na si Secretary Angelo Reyes?

PATI ANTI-GMA, PRO-GMA NA

Talaga namang nakaiikot ng utak ang problema nina Aling Gloria at Mike A.

Biruin mo, nabiyak pati ang Korte Suprema sa pag-iisyu ng TRO.

Walo ang pumabor at lima ang kumontra sa TRO.

Pero bago naganap ang botohan sa Korte Suprema, lumalabas na hindi lang ang mga pro-Arroyo ang pabor sa TRO kundi maging ang mga anti-Arroyo.

Sa Senado man o sa Kamara.

Dalawa ang mga pangunahing rason ng mga anti-GMA na naging pro-GMA sa labanan para sa TRO at kontra sa Watchlist Order.

Ang una ay ang humanitarian reason. Kung may sakit ang tao, lalo na kung delikado ang kalagayan nito, kailangan nito ang pag-aasikaso ng doktor.

Puwedeng manatili o lumabas ng bansa para ito magpagamot.

Ang ikalawa ay ligal.

Wala umanong batayan sa Konstitusyon at sa batas ang Watchlist Order na pamigil sa malayang paglalakbay ng isang mamamayan.

Hindi ito katulad ng Hold Departure Order na iniisyu ng hukuman na talagang kinikilalang pamigil sa malayang paglalakbay o pag-alis-alis ng bansa.

Kaya nga, hindi pupuwedeng pigilin sina Arroyo na lumabas ng bansa.

SC VS DOJ

Ang sabi ng Korte Suprema, effective immediately ang TRO, lalo na kung matutupad ang mga kondisyon sa TRO ng mga Arroyo, gaya ng pagbabayad ng P2M cash bond at dalawang iba pa.

Pero sinasabi naman ni De Lima na walang bisa ang TRO hanggang hindi mareresolba ang Motion for Reconsideration.

Kasabay nito ang pag-uutos nito sa lahat ng mga nasa Bureau of Immigration at Department of Transportation and Communication na bantayan at hindi papayagang makalabas ng bansa ang mga Arroyo.

KULONG O MULTA VS DE LIMA

Dahil sa tigas ng ulo ni De Lima, pupuwede siyang makulong o magmulta sa pagsuway sa kautusan ng Korte Suprema.

Contempt ang tawag ni Justice Midas Marquez diyan.

CONSTITUTIONAL CRISIS NA

Kapag hindi pumayag ang Malakanyang sa gusto ng Korte Suprema na pairalin ang TRO at haharangin nito talaga ang paglabas ng mga Arroyo, magkakaroon ba ng tinatawag na Constitutional crisis?

Ano nga ang mangyayari kung hindi na magrerespetuhan ang Malakanyang at ang Korte Suprema?

Saan o kanino na ngayon tatakbo ang Malakanyang o ang Korte Suprema para maayos ang sigalot?

MARTIAL LAW NAPIGILAN

Sabi ni Senador Joker Arroyo, napigilan ang martial style ng DOJ.

O sabihin natin, ang martial law style ni PNoy.

Sa martial law kasi, walang karapatan ang mamamayan o opisyal ng pamahalaan.

Kung ano ang gusto ng mga nasa poder, kahit alanganin ang pinanggagalingan ng kanilang kapangyarihan, yun ang masusunod.

Ganito umano ang ginagawa ni De Lima na suportado ni PNoy.

Lalo na sa kaso ng mga Arroyo.

MARTIAL LAW SA KRISIS

Kung magkakaroon ng constitutional crisis na bunga ng patigasan sa pagitan ng Korte

Suprema at Malakanyang, may magdedeklara ba ng martial law?

Sa martial law ba hahantong ang lahat? Pero yang constitutional crisis ba ang isang batayan ng pagdedeklara ng martial law?

Ito’y para malusaw na ang Korte Suprema gaya ng nangyari noong panahon ni dating Pangulong Marcos? At tanging ang nakaupo sa Malakanyang ang masusunod?

KONTRA SA DEMOKRASYA

Kapag nangyari na may magpapairal ng martial law, hindi kaya babangon sina Ninoy Aquino at Cory Aquino para sinturunin ang gagawa nito?

Itong magdyowa pa naman ang sinasabing ama at ina ng demokrasya sa makabagong panahon sa mahal kong Pinas.

BATAS AT KATWIRAN

Sana naman, mapanatili ang paghahari ng batas at tamang katwiran.

‘Yun bang === nakabatay sa interes ng buong sambayanan at hindi sa iilang nag-aaway-away dahil sa agawan sa korapsyon at kapangyarihan.

oOo

Anomang reklamo o puna ay maaaring iparating sa programang Power Point ng RHTV o DZRH 666khz AM tuwing Sabado 3 to 4 PM o i-text sa 09214303333.

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply