Bedol ‘ginamit’ lang ng gobyerno vs GMA

NAG-ALBURUTO sa galit si dating Maguindanao election official Lintang Bedol, matapos isama ng gobyernong Aquino sa mga akusado sa kasong electoral sabotage na isinampa nitong Biyernes laban kay dating Pangulong Gloria Macapagal Arroyo at ex-Maguindanao Gov. Andal Ampatuan Sr.

Ayon sa sources, “masamang-masama” ang loob ni Bedol kay Pangulong Noynoy Aquino at iba pang opisyal ng gobyerno dahil “sumira” umano ang mga ito sa kanilang “usapan” na hindi na siya kakasuhan basta idiriin sa pandaraya at sabotahe sa 2007 elections si Mrs. Arroyo.

Sa pananaw ni Bedol, “nagamit” lang siya ng pamahalaan upang habulin ang mga Arroyo at “na-double cross” sa dakong huli.

Si Bedol ay nakakulong ngayon sa Camp Crame dahil sa pagkakasangkot naman sa nangyaring dayaan noong 2004 presidential elections.

Sa panayam ng media, sinabi ni Bedol na labis siyang nagulat nang pati siya ay makatanggap ng warrant of arrest mula sa Pasay Regional Trial Court, kasabay ng warrant na isinilbi kay Arroyo.

Ang naturang kaso at warrant ang tuluyang pumigil sa balak na pag-alis sa bansa ni GMA noong isang linggo.

Himutok pa ni Bedol, malinaw ang kanilang “usapan” ng mga opisyal ng administrasyong Aquino na malilibre siya sa anomang kaso kaugnay ng nangyaring dayaan noong 2007 basta magbibigay siya ng mga testimonya laban sa dating pangulo.

Depensa naman ni Commission on Elections  chairman, Sixto Brillantes, posible pa rin na maging ‘state witness’ si Bedol at maalis sa kaso basta ibubunyag nito sa korte ang detalye ng kanyang naging partisipasyon sa nangyaring dayaan sa mga nakaraang halalan sa ilalim ng rehimeng Arroyo.

Ayon sa ilang sources, ang pagkadismaya ni Bedol ay nangangahulugan na pinilit lamang siya na tumestigo laban kay GMA.

Nakakulong si Bedol upang pagsilbihan ang 6-buwan parusa para sa contempt dahil sa pagtatago nito mula 2007 sa kainitan ng imbestigasyon sa nangyaring dayaan sa Maguindanao noon namang 2004 presidential elections.

Matapos lumutang, naglabas ng mga pahayag si Bedol laban kay GMA na may kinalaman naman sa 2007 elections kung saan “dinaya” umano si Pang. Aquino na noon ay tumatakbong senador.

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply