Benepisyo ni GMA ipinatatanggal ni Casiño

HINILING ni Bayan Muna Rep. Teddy Casiño sa Office of the Ombudsman na tanggalin na ang benepisyo at pribelehiyo ng dating pangulo, ngayon ay Pampanga Rep. Gloria Macapagal-Arroyo.

Naghain ng motion for reconsideration ang ilan pang mambabatas sa pangunguna ni Casiño na humihiling sa Ombudsman na baligtarin ang desisyon na ilaglag o alisin ang administrative aspect ng kaso laban kay Arroyo, dahil dapat din umano itong mapatawan ng administrative penalties at hindi lamang criminal penalties.

Noong Setyembre 21, 2011, inaprubahan ng Ombudsman ang rekomendasyon ni Graft Investigation and Prosecution Officer II, Lelani Tagulao-Marquez na ikonsidera ang administrative case laban kay GMA bilang “closed and terminated” kaugnay sa NBN-ZTE plunder complaint.

Dahilan nito, wala umanong awtoridad ang Ombudsman na suspindehin o alisin si Arroyo mula sa kanyang kasalukuyang puwesto dahil sa misconduct na kanyang nagawa noong nakaluklok pa sa puwesto.

Sinabi pa ng Ombudsman na sa ilalim ng Doctrine of Condonation, ang pagkakahalal ni Arroyo sa eleksyon bilang Pampanga congressman ay nagbura sa kanyang administrative liabilities kaya hindi siya maaaring tanggalin sa kasalukuyang posisyon.

Sa nabanggit na mosyon ay sinabi nina Casiño, Carol Araullo ng BAYAN at Liza Maza ng MAKABAYAN na sa kabila na walang awtoridad ang Ombudsman na suspindehin o tanggalin si Arroyo sa Kamara sa krimen na kanyang ginawa noong pangulo pa ito ay magagawa umano ng anti-graft body na magpataw ng administrative penalties tulad ng forfeiture ng retirement benefits at privileges nito.

Kapag napatunayang nagkasala sa kasong plunder kaugnay sa NBN-ZTE at iba pang kaso ay wala umano itong karapatan sa mga nasabing benepisyo.

Hindi na aniya umano kailangan pang ma-convict ni GMA sa kasong plunder para mapatawan ng administrative penalties.

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply