Bilang ng out-of-school youth lumobo kay PNoy

SA KABILA ng pamumudmod ng ilang bilyong pisong conditional cash transfer (CCT) sa pamilyang mahihirap, patuloy na tumaas ang bilang ng kabataan na hindi nag-aaral simula nang manungkulan si Pangulong Benigno Aquino III.

Dahil dito, labis na naalarma si Senador Manny Villar matapos malaman sa 2010 Annual Poverty Indicators Survey (APIS) ng National Statistics Office (NSO), na 6.24 milyon mula sa 39 milyong Filipino na may edad anim hanggang 24 ang out of school youth (OSY).

Lubhang mataas ito kumpara sa 4.84 milyong OSY noong 2002

Sa 6.24 milyong hindi na pumapasok sa eskuwelahan, 28.9 percent o 1.8 milyon ang nagbigay ng rason na masyadong mataas ang gastos sa pag-aaral, 27.5 percent o 1.7 milyon naman ang nagsabing tamad na silang mag-aral habang ang iba ay tumigil sa pag-aaral para makatulong sa kanilang pamilya at ang iba ay tumigil dahil sa gulo sa kanilang lugar tulad sa Autonomous Region in Muslim Mindanao (ARMM).

Matatandaan na isa sa mga kondisyones sa pagbibigay ng CCT sa pamilyang mahihirap ay ang tiyakin na papapasukin sa eskuwelahan ang kanilang anak na may edad anim hanggang 14-anyos.

Ipinasisilip na ni Villar sa Senate committee on education, arts and culture, kung ano ang nararapat na gawin ng gobyerno upang mapigilan ang pagtaas ng bilang ng out of school youth.

Binanggit ni Villar na mahirap sa mga kabataan ang hindi makapagtapos ng pag-aaral dahil kung yaong mga college graduate ay hindi makahanap ng trabaho, lalo pa kaya yaong mga hindi nakapagtapos ng kanilang pag-aaral.

“With the tough competition for jobs nowadays even among college students, the door to a decent jobs seems closed to out of school youths forever,” ani Villar.

Idinagdag pa ng senador na dapat pangalagaan ng gobyerno ang mga kabataan bilang pag-asa ng bayan, sa pamamagitan ng pagbalangkas ng angkop na mekanismo para maipagpatuloy ang kanilang pag-aaral upang maging kabahagi sila ng pag-asenso ng ating bansa.

loading...

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply