Biyahe ni GMA pa-Singapore ipinagpaliban

HINDI muna matutuloy umalis si dating Pangulo at ngayon ay Pampanga Rep. Gloria Macapagal-Arroyo dahil hindi umano kaya ng katawan nito.

Ayon sa kanyang tagapagsalita na si Maria Elena Bautista Horn, mismong si Gng. Arroyo ang nagpasiyang hindi muna siya tutuloy sa pagpapa-check sa Mounth Elizabeth Hospital sa Singapore dahil hindi ito makabangon sa sobrang stress at panghihina.

Ngayon sana dapat na lumipad patungong Singapore ang dating Pangulo at dating First Gentleman Mike Arroyo at iba pang kasama.

Ani Horn, taas-baba pa rin ang presyon ng dugo ni Gng. Arroyo na naka-confine pa rin sa St. Luke’s Medical Center sa Global City, Taguig.

Gayunman, naniniwala siyang makalalabas sa bansa ang mag-asawang Arroyo.

Ayon naman kay Atty. Raul Lambino, tagapagsalita ni dating FG, nakaiskedyul sanang lumipad mamayang alas-5:10 ng hapon ang mag-asawa kung hindi bumigay ang katawan ng dating Pangulo.

Hindi umano ito gaanong makatulog kaya pinagpapahinga muna ng kanyang mga doktor.

Gayunman, binatikos ni Lambino ang pamahalaang Aquino sa pagsasabing mas matindi pa ito sa panahon ng Martial Law.

Noon umanong magkasakit ang ama ni Pangulong Benigno Simeon Aquino III na si dating Sen. Benigno Aquino, Jr., ay pinayagan itong magpagamot sa Estados Unido ng diktador na si dating Pangulong Ferdinand Marcos.

Pero si Pangulong Aquino umano, ay kitang-kita na ang kalagayan ni Gng. Arroyo ay hindi pa rin ito pinayagang makapagpagamot sa abroad.

loading...

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply