Borax gagamitin sa pagmimina kapalit ng mercury

NAGBIGAY ang Ban Toxins (Bantox), isang non government organization, ng pagsasanay sa mga minero sa Gaang Mines ng Barangay Sesec-an sa bayan ng Balbalan, Kalinga ukol sa paggamit ng borax sa pagmimina ng ginto bilang alternatibo sa nakalalasong kemikal na mercury.

Ayon kay Leoncio Na-oy ng Bantox, ang pagsasanay ay binubuo ng information education campaign ukol sa epekto ng mercury sa tao at sa kalikasan, at isang demonstrasyon sa paggawa ng slosh box at paggamit ng borax bilang paraan ng pagkuha ng ginto mula sa batong mineral (ore).

Sa kanilang pagsasanay, sinabi ni Na-oy na marami sa mga minero ang nagpahiwatig ng interes sa bagong natutunan lalo na nang malaman ang masamang epekto ng mercury sa kanilang kalusugan at sa mas malaking produksyon na kanilang makukuha kapag gumamit ng borax.

Sinabi ni Na-oy na sa kanilang demonstrasyon, ang naproseso sa mercury ay nakapagbigay lamang ng 1.2 gramo ng ginto samantalang nakapagbigay naman ng 4.3 gramo naman ang parehong dami ng batong mineral sa pamamagitan ng borax.

Aniya, mas maganda rin ang kalidad ng ginto gamit ang borax na makapagpapataas ng presyo ng bawat gramo ng gintong mamimina mula sa Gaang Mines.

Ayon naman kay Engr. Dominic Sugguiyao ng provincial Environment and Natural Resources Office (ENRO), ang lokal na gobyerno ng Kalinga sa pamamagitan ng ENRO ay nais supilin ang paggamit ng mercury sa mga minahan sa probinsiya.

Ani Sugguiayao, sa susunod na taon, idadagdag sa kanilang programa ang pagbibigay ng kaparehong pagsasanay at paggawa ng mga borax slosh boxes para mapalitan ang mga rodmills na ginagamit sa proseso ng mercury.

Ang pagsasanay ay kailangan ding ipamahagi sa Pasil, Kalinga kung saan may maraming minero.

Para mapatatag ang kanilang kompanya, kinakailangan din na maglatag ng isang polisiya ang lokal na gobyerno upang tuluyan nang matigil ang paggamit ng mercury sa mga minahan at tamang pagtatapon ng mga kagamitang may mercury tulad ng baterya, bombilya, at iba pa sa lalawigan.

loading...

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply