Botohan ng 7 Wonders of Nature hanggang sa Biyernes na lang

SA BIYERNES, Nobyembre 11, na ang deadline sa pagboto upang mapabilang ang Puerto Princessa Underground River sa “New 7 Wonders of Nature” ng mundo, ito ang ipinaalala ngayon ni Puerto Princessa Mayor Edward Hagedorn.

Ani Hagedorn, nakikiusap siya sa lahat ng mga Filipino sa buong mundo na suportahan ang Puerto Princesa Underground River sa pamamagitan ng pagboto sa pamamagitan ng text message at sa online voting sa internet dahil ito na ang pagkakataon natin upang mai-promote ang turismo sa bansa.

Para makaboto sa text, kailangan umanong i-text ang PPUR at i-send sa 2861.

Kung boboto naman sa internet, dapat mag-log-on sa website na www.New7wonders.Com at i-click ang PP Underground River.

Aniya, may raffle draw ang mga telecommunication company sa mga boboto sa pamamagitan ng text kung saan ang mga mapipili ay maaaring manalo ng daily price na P10, 000, consolation prize na P1 milyon at grand prize na P25 milyon.

Aniya, malaki ang posibilidad na manalo ang Underground River dahil suportado ito ng halos lahat ng mga may cellphone sa bansa.

Umaabot sa isang bilyong text messages ang naipadadala araw-araw ng mga Filipino, at tatlong milyon naman ang tinatayang may cellphone.

Kung kalahati man lamang umano ng mga text messages na ipinadadala ng mga Pinoy araw-araw ay maiboboto sa Underground River, malamang umanong tayo pa ang maging number one.

Ani Hagedorn, walang katotohanang malaki ang registration fee sa “7 Wonders of Nature” dahil $100 lamang ito.

Kung mananalo umano ang Underground River, posibleng sa Maynila na lamang ganapin ang selebrasyon upang mas marami ang makadalo.

Nanawagan din si Environment Secretary Ramon Paje na suportahan ang Puerto Princesa Underground River (PPUR) sa Palawan upang manguna sa New Seven Wonders of Nature.

Hanggang alas-7:00 ng gabi sa Biyernes na lamang ang botohan at pagkatapos ay idedeklara ang mananalo.

Ang New Seven Wonders of Nature ay inorganisa ng Switzerland-based New7Wonders Foundation noong 2007, kung saan 440 ang nakapasok mula sa 220 bansa.

Milyong boto ang natanggap nila upang mapagdesisyunan ang top 77, kung saan pinili ang 28 finalists.

Mula sa nasabing mga finalists ay kukunin ang pitong mananalo.

loading...

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply